top of page
Search
  • BULGAR

Mga bed-ridden senior at PWD, gawing benepisyaryo ng 4Ps

ni Ryan Sison @Boses | April 26, 2024



Boses - Ryan Sison


Dapat na palawakin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa mga hindi pa rin naseserbisyuhang mga mahihirap na Pilipino, at isama ang unconditional cash transfers para sa bed-ridden senior citizens at persons with disabilities (PWDs).

Ito ang hinimok ni Senador Imee Marcos na gawin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Sa isinagawang pagdinig ni Sen. Imee, chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, ay tinalakay ang mga panukalang batas na nagmumungkahi ng mga pagbabago o amendments sa “4Ps Act (Republic Act 11310)” at ang institusyonalisasyon ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS). 


Ayon sa senadora, mayaman na ang Pilipinas at umaasenso sa ekonomiya, pero marami pa ring Pilipinong naiiwan. Kaya naman tinitingnan niya ang 4Ps kung paanong palalaganapin dahil mayroong nakakalimutan o napag-iiwanan katulad ng mga bed-ridden seniors at ang mga severely challenged na PWD.


Gayundin aniya, matagal na niyang sinasabi na huwag nang gawing conditional cash transfer -- unconditional na ito, at ito ay utos ng Panginoon, kung saan nakasaad sa Bibliya na pangalagaan na lang ang mga matatanda at may kapansanan na hindi nakakapagtrabaho.


Buhat nang simulan ang programa noong 2007 ay limitado ang 4Ps sa health, vaccination, at education.


Binigyang-diin ni Sen. Imee na dapat itong mag-alok ng “mas diversified menu para masakop ang mas maraming mahihirap na benepisyaryo”.


Paliwanag niya na may iba pang dahilan ng kahirapan na hindi natugunan ng 4Ps. Aniya, mula 2007 dapat itong i-diversify o pag-iba-ibahin, at hindi na sapat ang dalawang measurements, ang vaccination at education.


Hinikayat din ni Sen. Imee ang DSWD, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno at non-government organizations (NGOs), na bumuo ng mga praktikal na “exit strategies” para sa mga benepisyaryo ng 4Ps upang bigyang-daan ang mas maraming mahihirap na Pinoy na maka-avail ng programa, kabilang ang Alternative Learning System (ALS), adult education, at entrepreneurship at iba pang employment activities.


Tama at maganda ang isinusulong ng mambabatas na maibilang na ang mga bed-ridden nating lolo at lola at mga may kapansanan sa mabebenepisyuhan ng 4Ps..

Mas marami kasi sila na masasabing hindi napagtutuunan ng pansin ng ating pamahalaan na kadalasan ay napag-iiwanan pa. 


Mas kailangan nila ng tulong at pagkalinga dahil bukod sa mahihirap sila ay wala pang kakayanan para itaguyod ang sarili lalo’t higit ang kanilang pamilya.


Kaya naman sana ay gawin na agad ito ng kinauukulan para kahit paano ay mapagsilbihan natin sila sa kanilang mga natitirang panahon.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page