Mga batang pinagtatrabaho bilang kasambahay, bawal
ni Ryan Sison @Boses | June 25, 2023
Inilarawan ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte bilang isang “alarming trend” ang tumataas na kaso ng child labor sa Pilipinas.
Aniya, kabilang dito ang Anti-Child Labor Law (Republic Act [RA] No.9231), Expanded Anti-Trafficking in Persons Act (RA No.10364), at ang Domestic Workers Act (RA No.10361), na nagbabawal sa mga batang wala pang 15-anyos na magtrabaho bilang kasambahay o house helpers.
Ayon sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), mahigit 20,000 child laborers ang na-profile sa Davao Region sa nakalipas na apat na taon. Ang pinakamataas na bilang ng mga batang manggagawa sa rehiyon ay 10,797 na naitala noong 2021.
Samantala, nakipag-ugnayan kamakailan ang tanggapan ng kongresista sa Regional Office ng DOLE sa Davao para palawakin ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor at non-government organizations (NGOs), na may layuning pangalagaan ang kapakanan ng mga bata.
Ipinabatid din ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang datos na nagpapakita na ang kabuuang bilang ng mga batang nagtatrabaho na kinukonsidera na nakikibahagi sa child labor ay tinatayang nasa 935,120 noong 2021. Ito ay mas mataas kaysa sa 596,919 na naiulat noong 2020.
Sa hirap ng buhay ngayon, imbes na nasa paaralan ang mga bata para matuto, pati sila ay nakikipagsapalaran na para lamang mabuhay.
Ang masaklap pa, marahil ay pinipilit sila ng kanilang mga magulang na magtrabaho dahil walang maaasahan sa kanilang pamilya, talagang nakakaawa ang mga batang nakakaranas ng ganitong sitwasyon.
Tulungan sana ng gobyerno ang mga pamilyang mahihirap upang hindi na mapilitang magtrabaho ang kanilang mga anak at mag-alok ng mga programa na makakatulong sa kanila.
Aksyunan din sana agad ng gobyerno ang pagtaas ng kaso ng child labor sa bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments