Mga batang isinilang sa labas ng kasal, dumami dahil sa live-in

ni Ryan Sison @Boses | May 19, 2024

Karamihan sa mga ipinapanganak ngayon ay mga bata sa labas ng kasal o “out-of-wedlock children”.
Batay sa report, lumalabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), na bumaba ang porsyento ng mga anak na isinilang sa mga magulang na kasal mula sa 51.8 porsyento noong 2013 ay naging 41.9 porsyento noong 2022.
Tumaas naman ang bilang ng mga ipinanganganak na out-of-wedlock mula sa 48.2 porsyento noong 2013 ay naging 58.1 porsyento noong 2022.
Matatandaang taong 2022, mayoong 1,455,393 isinilang na mga sanggol, na 610,484 rito ay mula sa mga ikinasal na magulang, habang 844,909 naman ay mula sa mga hindi kasal na magulang.
Ayon kay University of the Philippines Population Institute (UPPI) Prof. Maria Paz Marquez, sex daw muna ang gusto ng mga kabataan, kasunod ang pagiging magulang o parenthood at pagkatapos pa ang pag-aasawa o marriage kalaunan.
Sinabi ni Marquez na ito ay lumalayo sa tradisyunal na child birth o pagsisilang ng bata na nagaganap sa loob ng kasal. Giit niya, kung dati kasal, sex, at saka child birth, ngayon ay hindi na, dahil sex, child birth at saka pa ang marriage.
Katunayan aniya, hindi na umano ikinokonsidera ng karamihan ang pagpapakasal.
Base naman sa datos ng PSA last year, bumaba ng 15.9 porsyento ang ikinasal mula January hanggang September 2023, kumpara sa kaparehong panahon noong 2022.
Lumalabas pa sa pag-aaral hinggil sa mga anak ng hindi kasal, na 64 porsyento ng mga kabataan ang naniniwalang dapat magkaroon ang babae ng anak kahit hindi pa kasal noong 2021, kung saan mas mataas ito kumpara sa 58 porsyento noong 1994.
Habang 31 porsyento ng kabataan naman ang nagsabi na dapat hikayatin ng babae na pakasalan siya ng ama ng kanyang anak noong 2021, kumpara sa 36 porsyento noong 1994.
Ang pagtaas ng mga ipinanganak out-of-wedlock ay iniuugnay ni Marquez sa pagdami ng mga relasyong walang kasal o hindi nagpakasal, kabilang na rito ang mga nagsasama lamang o “live-in.”
Binigyang-diin ni Marquez na nagkakaroon tayo ng mas mahusay na pang-unawa mula sa lumalabas na mga census, kung saan nagpapakita ng tumataas na paglaganap ng cohabitation o live-in arrangement, na nagmumungkahi ng paghihiwalay o delinking ng childbearing mula sa marital union.
Nakakabahala ang pagtaas ng bilang ng mga ipinapanganak na mga bata sa labas ng kasal.
Nagpapakita lamang kasi ito ng pagbabago sa mga prayoridad ng ating mga kabataan.
Kung noon mas gusto ng marami ay ‘kasal muna bago anak,’ ngayon ay tila nagiging normal na sa mga magkarelasyon ang magsama muna at magkaroon ng anak saka na lamang ang pagpapakasal. Kaya naman dumarami rin ang mga batang isinisilang mula sa mga magulang na hindi kasal na kahit pa sabihing ‘love child’ ay maituturing nating ‘illegitimate child’.
Paalala sa ating mga kabataan na piliin pa rin sana na kapag nasa isang relasyon ay pumasok muna sa basbas ng kasal bago pa magkaanak at bumuo ng pamilya, nang sa gayon ay magiging mabuti at maganda ang pagsasama nila sa mata ng Diyos at sa lipunan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments