top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Mga bata, ‘wag gawing sugarol sa E-Lotto

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 8, 2024
2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 8, 2024


MAINAM NA NAGING MAMBABATAS ANG TULFO BROTHERS KASI NAGPAKULONG SILA NG ‘TULISANG’ GENERAL, COLONEL AT NANGGIGISA SA CABINET MEMBER NI P-BBM -- Pina-contempt at ipinakulong ni ACT Partylist Rep. Erwin Tulfo sa House jail si dating Southern Police District (SPD) Director, Brig. Gen. Roderick Mariano at tauhan nitong si Col. Charlie Cabradilla dahil sa pagsisinungaling patungkol sa kinasasangkutan nilang “condo robbery” sa Parañaque City, at sa Senado naman ay ginisa nang todo ni Sen. Raffy Tulfo si Sec. Carlito Galvez ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) dahil sa kuwestiyonableng pagbibigay ng tig-P100K sa 26,000 na mga sumukong Moro Islamic Liberation Front (MILF), na ang ipinagtaka ng senador ay dapat daw sana 26,000 mga armas din ang isinuko ng mga ito, pero sa record ng OPAPRU ay nasa 4,000 mga baril lang ang isinurender ng mga sinasabing MILF na nagbalik-loob daw sa pamahalaan.


Mainam talaga na naging mga mambabatas ang Tulfo brothers kasi kita n’yo naman ang resulta, may ipinakukulong silang mga “tulisang” police general, colonel at may ginigisa pang Cabinet member ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM), period!


◘◘◘


KUNG PAGBABASEHAN ANG SURVEY NG OCTA, MAS MARAMING PINOY ANG NAGMAMAHAL KAY VP SARA KAYSA KAY P-BBM -- Sa latest survey ng OCTA Research Firm hindi na naman nakaungos si P-BBM sa rating kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio dahil ang bise presidente ay minarkahan ng mamamayan ng trust rating na 77% at approval rating na 75%, samantalang ang marka ng presidente ay trust rating na 76% at approval rating na 71%.


Ibig sabihin n’yan ay mas maraming Pinoy pa rin ang nagmamahal sa VP Sara kaysa P-BBM, boom!


◘◘◘


SA ‘BAGONG PILIPINAS’ WALANG HUMPAY ANG PAGTAAS NG PRESYO NG MGA BILIHIN AT PRODUKTONG PETROLYO -- Matapos aprubahan ng Dept. of Trade and Industry (DTI) noong January 24, 2024 ang pagtaas sa presyo ng sardinas, gatas. sabon at iba pang grocery items, at kahapon ay inaprubahan din ng Dept. of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang dagdag-presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo tulad ng gasolina, diesel at kerosene.


‘Yan ang ibinibidang “Bagong Pilipinas” ng Marcos administration, walang humpay na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at mga produktong petrolyo, buset!


◘◘◘


HUWAG GAWING SUGAROL NI P-BBM AT NG PCSO ANG MGA BATA SA E-LOTTO -- Hindi dapat payagan ni P-BBM ang E-Lotto na pinaplano ng Philippine Charity Sweepstakes (PCSO) na i-operate dahil pati mga bata o menor-de-edad na may GCash ay pupuwede nang makapagsugal sa ganitong uri ng sugalan sa social media.


Pakiusap lang kina P-BBM at PCSO, huwag naman nilang gawing sugarol at huwag nilang ilulong sa sugal na E-Lotto ang mga kabataan, period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page