Mga bata, huwag isugal ang buhay sa motor
- BULGAR
- Dec 6, 2022
- 1 min read
@Editorial | December 6, 2022
Isa na namang paslit ang nasawi matapos mahulog mula sa inaangkasang motorsiklo saka nagulungan ng tanker truck.
Napag-alaman na ang pitong taong gulang na lalaki ay angkas ng kanyang ina sa motor.
Umaga noon at tinatahak ng mag-ina ang Maharlika Highway nang biglang lumiko ang mga ito pakaliwa patungo sa isang gas station, kung saan nagtatrabaho ang live-in partner ng ginang na tatay ng bata.
Hindi sila naiwasan ng kasalubong na trak at nabundol ang motor. Nahulog ang bata at bumagsak sa kalsada na sa kasamaang-palad ay nagulungan pa ng nakasalpok na trak.
Tumilapon din ang motor at nasalpok ng kasunod na kotse.
Dead-on-the-spot ang paslit habang sugatan naman ang kanyang ina.
Kamakailan, isang sanggol din ang namatay matapos mahulog mula sa motor at nagulungan din ng trak.
Masyado na nating inaabuso ang paggamit ng motorsiklo at binabalewala ang mga panganib na puwedeng mangyari, lalo na sa mga bata na sakay nito.
Marami tayong nakikita na angkas halos buong pamilya sa isang motor, mga walang helmet at balasubas pa kung magmaneho ang rider.
Maawa tayo sa mga bata, huwag nating ilagay sa panganib ang kanilang buhay.
Panawagan sa kinauukulan, istrikto nating ipatupad ang lahat ng batas-trapiko, kapag bawal, bawal! Hulihin at pagmultahin ang mga lumalabag sa batas para maisip nila na hindi tayo nagbibiro.
Higit sa ano man, ang mga batas ay ginawa para tayo ay protektahan, kaya plis lang ay huwag pasaway.
Huwag hintayin na mapahamak tayo o ang ating mga mahal sa buhay dahil sa kapabayaan at katigasan ng ulo.
Comments