Mga bata, damay sa bulok na economic at political system ng bansa
ni Ryan Sison @Boses | May 22, 2023
Ayon sa 2021 Expanded National Nutrition Survey (ENNS) ng Department of Science and Technology’s Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), ang mga sanggol at batang Pilipino ay sumasailalim pa rin sa poor feeding practices.
Nakasaad sa survey na anim sa 10 sanggol na wala pang 6 buwan ay eksklusibo pa ring nagbi-breastfeed. Ang bilang ng mga patuloy na nagbi-breastfeed sa mga bata hanggang ito ay umabot sa 2 taong gulang ay naiulat na apat sa 10 bata lamang.
Gayunman, binanggit ng DOST-FNRI na 80% ng mga sanggol sa kanilang ika-6 hanggang ika-8 buwan ay nakakakuha ng napapanahong complementary foods.
Bukod dito, ang mga pangangailangan sa nutrisyon at enerhiya ng mga preschooler na may edad 3 hanggang 5 ay mas mataas. Habang ipinakita rin sa resulta na mayroon silang malaking porsyento ng kakulangan sa energy at micronutrients.
Ang pinaka-karaniwang uri ng malnutrisyon sa bansa ay stunting, wasting, underweight at overweight. Inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang pagpapa-breastfeed sa unang anim na buwan upang matiyak ang optimal na paglaki, development, at kalusugan ng mga sanggol. Dapat din umanong magpatuloy ang pagpapa-breastfeed na may kasamang angkop, sapat, at ligtas na mga complementary foods.
Upang higit na maunawaan ang kalusugan at nutrisyon ng isang tao, inaanyayahan ng DOST-FNRI ang mga magulang, indibidwal, micro, small, and medium enterprises (MSMEs), gayundin ang mga LGU at paaralan, na sumangguni sa Nutritional Guidelines for Filipinos (NGF). Sila ay may mga potensyal na gumagamit ng mga complementary blends at snacks technologies upang matugunan ang kakulangan sa enerhiya at micronutrient ng mga bata, pati na ang rin magbigay ng trabaho, kita, at local revenue.
Sa totoo lang, matagal na talagang bulok ang economic & political system sa ating bansa, kaya lalong humihirap ang mahihirap at lalong yumaman ang mayayaman. Ang masaklap, ang mga bata ay nadadamay sa kahirapan ng bansa.
Hindi lang gobyerno ang dapat sisihin dito, dapat ang mga magulang din na patuloy na dumadami ang anak, lalo na ngayong mahirap ang buhay at halos wala nang maipakain sa mga bata.
Kaya ang hamon natin sa gobyerno, mas tutukan ang mga batang hindi nakakakain ng masusustansya at magsagawa ng mga programa na matutugunan ang kanilang kakulangan sa sustansya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments