Mga bangkong nangha-harass at nagpapataw ng sobra-sobrang interest at charges, tutukan!
- BULGAR
- Apr 10, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | April 10, 2022
ISINUSULONG ng Bangko Sentral ang digital payment system.
Target na maabot ang 50 percent digital payment operation sa ekonomiya ng bansa sa taong 2023.
◘◘◘
PAG-ARALAN sanang mabuti ng Bangko Sentral ang sobrang taas na singil sa simpleng paglilipat lang ng cash.
Hindi dapat maging abusado ang mga korporasyong nagsasagawa ng digital payment system.
◘◘◘
KAHIT naman ang credit card system ay masyadong inaabuso ng mga bangko.
Dapat ay magkaroon muna ng limitasyon sa pagpapataw ng interest at charges sa mga lumampas sa due date o nagkaaberya sa pagbabayad.
◘◘◘
DAPAT ay magbukas ng isang sangay o opisina ang Bangko Sentral na aaksiyon nang mabilis sa mga reklamo laban sa mga bangko na nangha-harass at nagpapataw ng sobra-sobrang interest at charges.
Ang interest at charges at halos 100 times ang laki sa kakarampot na principal loan.
Hindi tama ang ganyang klase ng pagpapataw ng multa sa mga purchases na hindi nabayaran.
◘◘◘
KUNG ang credit card system ay hindi naman naiaayos nang mabuti ng Bangko Sentral pabor sa mga credit card holders, paano nila mapoproteksiyunan ang consumer na ibinubuyo sa paggagamit ng digital payment system?
Esep-esep sana ang mga nangangasiwa rito.
◘◘◘
BIGO ang Kongreso at mga pribadong grupo na nagmamalasakit kuno na proteksiyunan ang mga konsyumer.
Ang mga batas ay palaging pabor sa korporasyon kaysa sa ordinaryong konsyumers.
◘◘◘
MARAMI ang natutuwa sa pagkakalikha ng Department of Migrant Workers o kilala rin bilang Department of OFW.
Kasi naman ang gulugod ng ekonomiya ng bansa ay nakapundasyon sa higit na $2 billion remittances kada buwan ng mga overseas Pinoy.
◘◘◘
KAILANGANG proteksiyunan ng gobyerno ang mga overseas Pinoy na itinuturing na buhay na bayani, may pandemic man o wala.
Pero sa ngayon, wala pa ring kongkretong programa ang gobyerno upang saklolohan at asistehan ang mga nagretirong OFWs.
◘◘◘
PAANO naman kaya ang mga Filipino workers na nananatili sa loob ng Pilipinas, sino ang magmamalasakit sa kanila tulad sa pagbibigay ng prayoridad sa mga OFWs?
Iyan mismo ang tututukan ng OFW Partylist na pinangungunahan ng chairman na si Jerenato Alfante.
◘◘◘
AYON kay Alfante, ang katumbas ng OFW sa kanilang partylist ay “One Filipino Worldwide”.
Ibig sabihin, sakop ng kanilang depinisyon hindi lang ang mga Filipino na nasa iba’t ibang bansa, bagkus ay maging ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa loob ng Pilipinas.
◘◘◘
ISINUSULONG ng OFW Partylist ang pagtatayo ng libreng technical schools sa lahat ng munisipalidad at siyudad sa Pilipinas.
Ang programang ito ay may kakambal na “on-the-job training and job placement”.
◘◘◘
AKTIBO si Alfante sa mga negosyo na nasa loob ng mga special economic zone kung saan, makikipagkasundo ang gobyerno sa pribadong korporasyon upang maitayo ang technical schools nang walang gastos ang pamahalaan.
Sa ilalim ng programa, direktang sasanayin sa aktuwal na trabaho at iha-hire ang mga mahuhusay na graduates at kung kailangan ay matulungan din sila na magtrabaho sa ibang bansa.
◘◘◘
KAKAIBA ang inobasyon at plataporma ng OFW Partylist na orihinal ang konsepto at may inobasyon.
Walang korupsiyon sa programa sapagkat, hindi gagamit ng pondo ng gobyerno bagkus ay palalakasin nito ang balikatan ng gobyerno at pribadong sektor.








Comments