by Info @Editorial | August 29, 2024
“Mahirap ma-regular sa gobyerno.” Hanggang ngayon, ito ang paniwala at tila ito ang talagang nangyayari sa mga empleyado sa gobyerno. May mga magre-retire na, casual o contractual pa rin.
Sa kabila nito, mahigit 203 libong posisyon naman sa gobyerno ang hindi pa rin napupunan.Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa budget ng Civil Service Commission, sinabi ni CSC Chairperson Karlo Nograles na maaaring ilan sa dahilan nito ay ang mabagal na pag-publish ng mga bakanteng posisyon, qualification requirements, at mas mababang sahod sa ibang bakanteng posisyon.
Marami rin aniyang job order at contract service workers na magaling sana kaso walang eligibility.
Bilang solusyon, nagkaroon umano ang CSC ng tinatawag na preferential rating na sinimulan noong Marso para mabigyan man lang sila ng bonus points.Dahil umano sa kawalan ng eligibility, hindi sila makapag-apply sa mga plantilla position.
Plano rin umano ng CSC na magsagawa ng pag-aaral kasama ang University of the Philippines-NCPAG, para matukoy ang mga problema sa malaking unfilled positions.
Magkakaroon din umano ng digital platform para sa real-time monitoring ng mga bakanteng puwesto, bagama’t kailangang maaprubahan ito ng National Economic and Development Authority.
Sana, maisagawa agad ang kanilang mga plano.
Sana, tuluyan nang mawakasan ang problema sa hindi napupunang permanenteng posisyon sa mga opisina at ahensya.Ang gobyerno ang maituturing na ‘biggest employer’ pero ‘biggest problem’ taun-taon ang mga bakanteng permanenteng posisyon. Ang mas nakapanlulumo, nangyayari pa rin ang problemang ito kahit maraming Pilipino ang walang trabaho.
Dagdag pa na maraming government workers ang nagtatrabaho sa ilalim ng Job Order o Contract of Service.
Kaya hindi natin tuloy maiwasang sabihin na ang gobyerno mismo ang number one violator ng garantiya ng Konstitusyon para sa security of tenure sa mga casual at contractual employee.
Kung ang mga empleyado ay may ‘K’ sa isang permanenteng posisyon, ibigay na. Huwag nang pahirapan at lalong huwag bahiran ng pulitika.
Comments