top of page

Diskarte at pasensya, kailangan ng mga motorista sa ‘EDSA Rebuild’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | May 28, 2025



Editorial

Sa wakas, aarangkada na ang pagsasaayos ng EDSA — ang pangunahing kalsada sa Metro Manila na matagal nang simbolo ng trapik at stress.


Gayunman, sa rami ng proyektong sinimulan ngunit hindi tinapos, hindi maiiwasan ang tanong: magiging tunay bang pagbabago ito o panibagong abala lamang? Hindi biro ang hamon ng ‘EDSA Rebuild’. Milyun-milyong sasakyan ang dumadaan dito. Araw-araw, napakaraming mamamayan ang umaasa sa kalsadang ito para makapasok sa trabaho, paaralan, o tahanan. Kaya’t kung hindi maayos ang pagpapatupad, maaaring lumala pa ang problema sa halip na maresolba.


Ang proyekto ay dapat maging bahagi ng mas malawak na plano para sa urban mobility — mula sa mas episyenteng pampublikong transportasyon, ligtas na kalsada para sa mga naglalakad at nagbibisikleta, hanggang sa modernong traffic control system.At higit sa lahat, dapat ito’y may accountability.


Kailangang masiguro na walang korupsiyon, walang palakasan, at walang shortcut. Dapat may malinaw na timeline, bukas sa publiko ang progreso, at may pananagutan ang mga opisyal kung may pagkukulang.Ang EDSA Rebuild ay pagkakataong maipakita ng pamahalaan na kaya nitong solusyunan ang matagal nang suliranin. 


Panahon na upang patunayan na ang gobyerno ay hindi lang magaling sa plano, kundi mahusay din sa pagpapatupad.


Samantala, payo naman sa lahat ng maaapektuhan ng proyekto, magbaon ng mas mahabang pasensya o mag-isip na ng diskarte kung paano makakaiwas sa EDSA para makarating pa rin sa pupuntahan nang hindi masyadong mapeperhuwisyo.


Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page