Gobyerno, mga magulang, komunidad, seryosohin ang laban sa cybersex trafficking
- BULGAR

- May 30
- 1 min read
by Info @Editorial | May 30, 2025

Patuloy ang pagdami ng mga kaso ng child cybersex exploitation sa Pilipinas.
Isa sa mga pinakabagong ulat ay nagpapakitang hindi na lang ito problema ng mga urbanisadong lugar — maging sa mga liblib, lumalaganap na rin ang ganitong uri ng pang-aabuso.
Nakababahala ito lalo na’t maraming bata sa kanayunan ang walang sapat na proteksyon at edukasyon laban sa mga panganib ng online exploitation.
Ang mas masaklap, ang ilan sa mga kasong ito ay mismong mga magulang o kamag-anak pa ang sangkot — ginagamit ang inosenteng kabataan para kumita mula sa mga dayuhang kliyente online.
Hindi sapat na sa lungsod lang nakatuon ang pansin ng mga awtoridad. Kailangang mas palakasin ang presensya ng mga ahensya ng gobyerno sa mga lalawigan.
Dapat na ring magkaroon ng mas masusing surveillance, community awareness, at access sa teknolohiya para mapigilan ang mga kaso ng online sexual abuse bago pa lalong lumala.Mahalaga rin ang papel ng mga lokal na pamahalaan.
Kailangang magsagawa ng mga programa sa ligtas na paggamit ng internet at pagpapabatid ng mga karapatan ng kabataan. Kung saan, lahat ay dapat na lumaking ligtas, may dangal, at malaya sa pang-aabuso.
Panahon na para seryosohin ang laban sa cybersex trafficking — hindi lang sa lungsod, kundi lalo na sa mga probinsya kung saan kadalasang nakakubli ang krimen sa katahimikan.






Comments