Apektado ng EDSA rebuilding, dapat tulungan ng gobyerno
- BULGAR
- 2 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 29, 2025

Ang pagsasaayos ng EDSA ay isang hakbang tungo sa mas maayos at episyenteng daloy ng trapiko.
Gayunman, sa likod ng proyektong ito ay ang ‘di maikakailang epekto sa kabuhayan ng mga manggagawa, maliliit na negosyante, at arawang kumikita.Marami sa mga apektado ay mga street vendor, tsuper ng jeep, bus, tricycle, at delivery riders na umaasa sa tuluy-tuloy na galaw ng trapiko para sa kanilang kita.
Ang matinding trapiko, mga pagsasara ng kalsada, at rerouting ay nagdudulot ng pagkaantala sa kanilang operasyon.
Maaapektuhan din ang mga pasaherong araw-araw sumasakay patungo sa kanilang trabaho — na ang ilan ay nale-late o nawawalan pa ng kita dahil sa pagkaantala.Sa ganitong panahon, mahalagang gumanap ng aktibo at makataong papel ang pamahalaan. Kailangan ng konkretong hakbang tulad ng pagbibigay ng financial assistance, alternatibong ruta at hanapbuhay, pati na rin ang malawakang impormasyon at konsultasyon sa mga apektadong sektor.
Dapat ay hindi lamang isinusulong ang modernisasyon ng imprastruktura, kundi pati na rin ang kapakanan ng mga taong direktang tinatamaan nito.Ang EDSA Rebuilding ay isang proyekto ng pagbabago — ngunit hindi ito dapat magdulot ng permanenteng pasakit sa mga maliliit.
Sa halip, dapat itong maging daan para sa isang pag-unlad na sabay na isinasaalang-alang ang kaginhawaan, kabuhayan, at kinabukasan ng bawat mamamayan.
Comments