top of page
Search
  • BULGAR

Mga bagong pulis, pagsugpo sa krimen gamitin ang teknolohiya

ni Ryan Sison @Boses | April 20, 2024




DAPAT gamitin ng mga bagong graduate ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang teknolohiya sa paglaban sa mga krimen at maglingkod sa mamamayang Pilipino.


Ito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 223 bagong uniformed personnel sa ilalim ng PNPA “Layag-Diwa” Class of 2024.


Sa talumpati ni PBBM sa 45th PNPA Commencement Exercises sa Silang, Cavite, sinabi nitong karamihan sa kanila ay isinilang noong ang internet ay wala pa sa simula, at sila ay hinubog na maging maalam sa teknolohiya o tech savvy, mga digital native. Hinamon niyang gamitin ng mga ito ang naturang teknolohiya na pamilyar sa kanila bilang tulong sa pagprotekta at paglilingkod sa ating mga kababayan, lalo na sa paglaban sa cybercrime. Hiniling din ng Pangulo na yakapin nila ang tinatawag na smart policing, fire prevention at penology.


Sinabi niya na pagdating sa pagtitiyak sa mga mamamayan, ang analog ay palaging matatalo sa digital. Aniya, ang paglaban sa krimen ngayon ay malakas sa pinagsamang mga gadget at war rooms, at makalumang gawain ng mga magagaling na pulis.


Hinikayat din ng Chief Executive ang mga PNPA graduates, na nakatakdang sumali sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na i-maximize nila ang information technology para mapabuti ang paghahatid ng serbisyo habang maliit ang nagiging gastos.


Pinaalalahanan naman ng Pangulo ang mga bagong uniformed personnel na ang kanilang serbisyo aniya ay hindi isang karera para mangolekta ng insignia o makaipon ng mga mahahalagang assignment.


Gayundin, ipinaalala niya sa mga bagong nagtapos na PNPA na ang kanilang career ay hindi dapat nasusukat sa bilis na pag-akyat sa ranggo nang mag-isa, subalit sa kalidad ng serbisyo na ibinigay sa mga kababayan. Ito ay ang paggawa ng mas maraming kabutihan hangga’t kayang gawin nang hindi umaasa sa anumang gantimpala o reward, dahil ang serbisyo mismo ang gantimpala.


Tama lang na lubusin nang husto ng mga bagong graduate na kapulisan ang ating teknolohiya lalo na sa pagsugpo ng krimen.


Mahuhusay na rin kasi ang mga mandarambong, scammer, kriminal at iba pa sa paggawa ng masama gamit ang digital technology.


Kailangan na mas advance ang mga awtoridad, partikular na sa pagtugis sa mga kawatan o cybercriminal na marami na ring naperhuwisyong mga kababayan.


Hiling din natin sa kanila na bukod sa maging mahusay na mga pulis ay maging tapat sa serbisyo na hindi kailanman masusuhulan.

 


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page