top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Mga apektado ng EDSA Greenways Project, bigyan ng kabuhayan

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 18, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | December 18, 2023


Hindi bababa sa 148 residente at mga vendor mula sa Pasig, Quezon, at Makati Cities ang mapalad na nabigyan ng livelihood assistance na apektado ng EDSA Greenways Project.

 

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), katuwang nila sa programa ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagbibigay sa bawat apektadong residente at vendor ng P30,000 halaga ng bigas, dressmaking at food packages para sa maliliit na kainan o eateries, at mga negosyo cart.

 

Sa pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista, sinabi nitong hindi lang nagbibigay ng trabaho ang kanilang mga proyekto, kundi nagbibigay din ng kabuhayan sa mga pamilyang madaraanan ng EDSA Greenways.

 

Isang 5-kilometrong mass transit walkway ang EDSA Greenways Project, na matatagpuan sa kahabaan ng EDSA sa Balintawak, Cubao, Guadalupe, at Taft stations.

 

Ang mga istraktura nito ay mayroong 5 metrong lapad, na nilagyan ng mga elevator at monitoring systems, habang accessible naman sa mga matatanda, buntis, maliliit na bata, at mga taong may kapansanan o PWD.

 

Kaugnay nito, ang naturang proyekto ay suportado ng $123-million loan mula sa Asian Development Bank (ADB). 

 

Malaking tulong para sa ating mga kababayang apektado ng EDSA project na mabiyayaan sila ng ganitong livelihood assistance o pangkabuhayan package.

 

Makakapagsimula uli sila ng negosyo at makakapamuhay ng maayos sa bagong lilipatan.

 

Gayundin, dahil sa mga proyektong isinasagawa sa ngayon ay marami ang nabibigyan ng trabaho sa mga kababayan na susuporta naman sa kani-kanilang pamilya. 

 

Hiling natin sa kinauukulan na patuloy dapat na magkaroon ng mga programa at proyekto na talagang mapapakinabangan ng mga mamamayan para naman makaahon na rin sila sa kahirapan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page