Mga Anti-Duterte politician lulugo-lugo, ikinasong grave threat kay Ex-P-Duterte, na-dismiss
- BULGAR
- Jan 14, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 14, 2024
LULUGO-LUGO ANG MGA ANTI-DUTERTE POLITICIAN DAHIL SA PAG-DISMISS NG PISKAL SA KASONG GRAVE THREAT VS. EX-P-DUTERTE -- Sablay ang isinampang kasong grave threat ni ACT Teacher partylist Rep. France Castro kay ex-P-Duterte kasi idinismis ito ng Quezon City Prosecutor’s Office dahil ayon sa piskal ay wala raw basehan ang kasong ito laban sa dating presidente.
Dahil sa desisyon na ‘yan ng piskal ay tiyak lulugo-lugo si Cong. Castro at iba pang anti-Duterte politicians, kasi akala nila maipapakulong nila sa kasong ito si ex-P-Duterte, ‘yun pala ay hindi, boom!
◘◘◘
LALONG MAGHIHIRAP ANG MAMAMAYAN KAPAG NAGPATAW NG MGA DAGDAG O TAAS SA BUWIS ANG PAMAHALAAN -- Sa unang araw ng kanyang panunungkulan bilang kalihim ng Dept. of Finance (DOF), ibinida niya na next year (2025) ay pipilitin ng kanyang tanggapan na makakolekta ng P4.3 trillion tax.
Nakupo! Parang nakikita na natin na next year ay magrerekomenda si Sec. Recto kay Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ng mga karagdagang buwis na ipapataw sa mamamayan, kasi nga, ‘yan lang ang tanging paraan para makakolekta ng ganyan kalaking halaga ang pamahalaan, ang magdagdag o magtaas ng tax na tiyak ang dulot nito ay pagtataas sa presyo ng mga bilihin at bayarin na lalong magpapahirap sa mamamayan, tsk!
◘◘◘
PARA NAMANG BINATUKAN MUNA NI P-BBM SI DIOKNO, SAKA RIN HINIMAS -- Matapos sibakin ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) si Benjamin Diokno bilang DOF secretary, pinasalamatan niya ito dahil kahit paano raw ay may naiambag ito sa Finance department.
Kumbaga, parang binatukan (sinibak) muna ni P-BBM si Diokno, at saka hinimas ang batok (nang pasalamatan niya si Diokno), boom!
◘◘◘
KAPAG SI EX-P-DUTERTE ANG NANGAMPANYA SA DDS NA HUWAG IBOTO ANG PBA PARTYLIST, NAGDEDELIKADO ITONG MATALO -- Matapos magpahayag ng pagtutol si Davao City Rep. Paolo Duterte sa Charter Change (Cha-cha) ay ibinulgar niya na may nakuha siyang impormasyon na si PBA partylist Rep. Migs Nograles daw ang namumuno sa People’s Initiative movement sa Davao City.
Kung totoo ‘yan, nagdedelikadong matalo ang partylist ni Nograles sa darating na halalan kasi bukod sa maraming Pinoy ang tutol sa Cha-cha ay baka mangampanya pa si ex-P-Duterte sa mga Duterte Diehard Supporter (DDS) na ibasura sa 2025 election ang PBA partylist, period!





Comments