top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Mga alagang hayop, protektahan laban sa zoonotic disease

Writer: BULGAR
BULGAR
May 8, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 8, 2024



Boses - Ryan Sison


Binabantayan sa ngayon ang pag-usbong ng tinatawag na zoonotic diseases o impeksyon na maaaring kumalat mula sa mga hayop patungo sa tao. 


Ito ang naging pahayag ng Department of Agriculture (DA), na kasalukuyang namumuno sa Philippine Inter-Agency Committee on Zoonoses (PhilCZ). 

Sa turnover ceremony ng chairmanship ng PhilCZ mula sa Department of Health (DOH) na ngayon ay nasa DA na, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Constante Palabrica, kabilang sa mga sakit na kanilang tututukan ay ang rabies at highly pathogenic avian influenza.


Ayon sa opisyal, maglalaan ang DA ng P20 milyon hanggang P30 milyon budget para sa pagbili ng karagdagang anti-rabies vaccine. Aniya, inendorso na ito para sa paglagda ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.


Base sa pinakahuling datos ng DOH, may kabuuang 89 human rabies cases na pawang nagresulta sa pagkamatay, ang naitala mula January 1 hanggang March 16, 2024.


Naitala naman ng Soccsksargen ang pinakamataas na bilang ng mga kaso sa 12. Sinundan ito ng Calabarzon at Bicol Region na may tig-11 kaso.


Ang 82 sa mga kasong ito ay nai-report din ng history ng kagat ng aso, limang kaso ang may history ng kagat ng pusa, habang ang natitirang dalawang kaso ay naiulat na history ng mga kagat mula sa ibang mga hayop.


Sa kabuuang kaso, isang case lamang ang nai-report na ang kumagat na hayop ay fully vaccinated, 40 kaso ang nagsabi na ang hayop ay hindi nabakunahan, habang ang natitirang 48 na mga kaso ay may kinalaman sa mga hayop na unknown o hindi batid ang vaccination status.


Tungkol sa avian influenza, sinabi ni Palabrica na tatlong kumpanya ang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) upang magpatuloy naman sa trial ng vaccine.

Aniya, pinoproseso pa rin ito, ang AI vaccine, at naghihintay lang sila ng resulta ng trial at mula roon ay makakakuha na ng approval sa FDA.


Bukod pa rito, ipinahayag ng opisyal na binabantayan din ng kagawaran ang paglitaw ng foot-and-mouth disease at anthrax.


Sinabi ni Palabrica na sa kasalukuyan ay merong nag-e-emerge na sakit at ito ay ang foot-and-mouth disease. Ang Pilipinas sa ngayon ay foot-and-mouth disease-free na.


Aniya, wala tayong bakuna subalit, hindi naman ito naita-transfer sa tao.

Dagdag niya, ang mga kaso ng anthrax sa ating bansa ay kasalukuyang limitado lang sa northern part ng Luzon. Gayunman aniya, nakahanda ang DA sakaling kumalat pa ang infectious disease.


Binanggit naman niyang mayroon silang kakayahan na gumawa ng bakuna para sa anthrax at maaari silang gumawa ng agarang aksyon laban dito.


Mabuti at mino-monitor na ng kinauukulan ang pagsulpot ng mga zoonotic disease na posibleng makahawa mula sa mga hayop patungo sa atin.


Batid nating lahat na tayong mga Pinoy ay mga animal lover, kaya hindi maiiwasan na malapit tayo sa mga hayop na kung minsan ay itinuturing na rin natin silang pamilya.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page