Mga accountant, lakas sa pag-unlad ng ekonomiya ng ‘Pinas
- BULGAR
- Mar 20, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | March 20, 2023
Matapos ang isyu sa kakulangan ng mga nurse sa Pilipinas dahil ang iba sa kanila ay nag-a-abroad na, nangangailangan naman ngayon ng mas maraming accountants sa ating bansa.
Ito ang ibinunyag ng Centenary Celebration of the Accountancy Profession in the Philippines, kamakailan.
Sa naging pahayag ni Professional Regulatory Board of Accountancy Chairman Noe Quiñanola, mayroong halos 200,000 registered Certified Public Accountants, subalit nananatiling malaki ang demand para sa mas maraming CPAs sa bansa.
Paliwanag ni Quiñanola, mahalaga ang mga accountants dahil sila ang nagsisilbing driving force para sa pag-unlad ng ekonomiya habang maraming mga negosyo at mga ahensya ang nangangailangan ng mga accountants sa kasalukuyan.
Sila ang mga tinatawag na keepers ng mahahalaga o kritikal na data at ito ay ang financial information kung saan ginagamit sa lahat ng sektor – private o public, ayon pa sa opisyal.
Giit naman ni Thelma Ciudadano, chairperson ng CCAPP marami ang naaakit na mga accountants na magtrabaho abroad dahil sa alok na mas mataas na sahod sa kanila.
Umaasa si Ciudadano na ang mga kabataang Pilipino ay makakapag-isip na dito na magtrabaho dahil marami rin namang oportunidad sa ating bansa. Aniya, kinakailangan natin ng mas maraming CPAs ngayon, hindi lamang sa academe kundi maging sa lahat ng sektor sa professional organizations dahil totoong magagaling sila, kaya naha-hire sa ibang bansa.
Samantala, nasa 100 veteran accountants ang nabigyan ng parangal bilang ‘Accountancy Centenary Award of Excellence’.
Noon una, naging suliranin na ang kakapusan ng mga nurse sa bansa dahil mas pinipili ng mga ito na mangibang-bansa at doon magtrabaho.
Ganito rin ang sitwasyon ng maraming accountants sa ating bansa na nagnanais nang mamuhay at magtrabaho abroad sa dahilang mataas ang alok sa kanilang sahod at benepisyo.
Sino nga naman ang tatanggi sa offer na halos buong pamilya ay makakasama pa sa ibang bansa habang doon na rin nagtatrabaho? Mas pipiliin talaga ng ating mga kababayan ang ganu’ng pamumuhay.
Subalit, kung may magandang maibibigay na oportunidad para sa ating mga accountant pati na rin sa kanilang pamilya ang kinauukulan, siguradong hindi magdadalawang-isip na sila ay umalis ng bansa. Mananatili silang magserbisyo na lamang dito sa ating bansa.
Isipin natin na sila ay lakas na malaking tulong para tuluyan nang makabangon at umunlad ang ekonomiya ng ating bayan. Kaya sana pagtuunan din natin sila ng pansin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments