Mga abusadong lending company, tuluyan!
ni Ryan Sison @Boses | June 27, 2023
Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang publiko na maging maingat sa mga finance applications na maaaring i-download online sa Google Play o Apple Store at iba pang mga website pero ang totoo, ang mga ito pala ay isang lending applications na bumibiktima sa mga customer.
Sa isang panayam sa DZBB, sinabi niya na nakatanggap siya ng mga reklamo mula sa mga nangungutang na nakaranas ng harassment mula sa mga loan shark bukod pa sa mataas na interes na mula 10 hanggang 40%.
Ang masaklap pa, ang mga lending firm ay kayang i-access at ma-hack ang personal na data ng mga borrower at kanilang mga contact.
Dapat aniyang maging maingat ang publiko bago i-entertain ang ideya na mangutang sa pamamagitan ng online apps.
Dagdag pa ng opisyal, lubhang kahina-hinala kung ang isang lending agency ay madaling magpahiram ng pera.
Gayunman, pinayuhan niya ang publiko na i-check ang legitimacy ng mga lender sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sakaling magplano silang mag-loan sa pamamagitan ng online app.
Maaari ring humingi ng tulong ang mga mamamayan sa Securities and Exchange Commission, Department of Information and Communications Technology, at National Privacy Commission kung mayroon silang mga isyu sa mga lending firm.
Magsasagawa umano si Gatchalian ng imbestigasyon sa pamamagitan ng Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies hinggil sa dumaraming kaso laban sa mga lending app at companies.
Talagang talamak na ang pangha-harass ng mga online lending app, imbes na makatulong ay mas lalo pang nilulubog ang mamamayan.
Dapat makulong at mapanagot ang mga kumpanyang ganito upang hindi na makapambiktima pa.
Kaya naman, ang pinakamabuting paraan upang makaiwas tayo sa pang-aabuso ay huwag nang magpalinlang pa.
Panawagan sa kinauukulan, patawan ng mabigat na parusa ang mga lending app o kumpanya na nananamantala sa kanilang mga customer.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments