top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mga abusadong employer, nakahanap na ng katapat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 14, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 14, 2023


Iminumungkahi ni Senator Raffy Tulfo ang one-strike policy para sa mga abusadong employer na hindi sumusunod sa minimum wage law ng bansa at hindi nagbibigay ng benepisyo sa mga empleyado.


Giit ni Tulfo, tanggalin ang napakahabang proseso ng pagrereklamo sa abusadong employer at agad na parusahan ang mga naturang employer. Gayundin, obligahin ang mga ito na magbayad sa empleyado na nagpakita ng matibay na ebidensya laban sa kanilang pang-aabuso.


Ikinalungkot ng Senador na tila walang ngipin ang kasalukuyang labor law dahil sa kakulangan ng pagpapatupad nito, na dahilan kaya hindi natatakot ang mga abusadong employer.


Maliban sa parusa tulad ng mas mataas na multa, dapat umanong magbayad agad ang mga employer sa kanilang naabusong empleyado.


Sa ilalim ng kasalukuyang polisiya, kapag ang isang empleyado ay nagsumbong sa Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa kanilang employer, kailangan nitong dumaan sa mahabang proseso sa kabila ng pagpapakita ng matibay na ebidensya na lehitimo ang kanyang reklamo.


Gayunman, iginiit ni Tulfo na dapat magsimula ang DOLE sa pagbibigay ng liham sa employer na humihingi ng paliwanag, at kung hindi ito sumagot, magbibigay ng isa pang pagkakataon para sumagot ang naturang employer.


Naniniwala ang Senador na ang prosesong ito ay sinasamantala ng mga abusadong employer dahil ito ay isa umanong paraan upang maantala ang hustisya para sa empleyado.


Bukod pa rito, pabor umano sa mga employer ang polisiya na pagsailalim sa mediation ng reklamo, na maaaring umabot ng hanggang sa tatlong pagdinig. At kung hindi magkasundo ang dalawang panig sa pamamagitan ng mediation, ipapasa ng DOLE ang reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC), na uubos naman ng pera ng empleyado dahil kailangan nitong magpabalik-balik sa NLRC. Ang malala pa, ang kaso ay maaaring tumagal nang hanggang dekada bago maresolba.


Ang napakahabang prosesong ito ang nais maalis ni Senador upang agad na mabayaran ng mga employer ang mga manggagawa na nakapagpakita ng sapat na ebidensya na siya ay inabuso.


Napakagandang balita kung sakaling maipatupad ito dahil maraming employer ang sadyang malupit sa kanilang mga empleyado.


Gayundin, may kakampi na ang mga kapatid nating manggagawa na inaabuso, pinagmamalupitan, at maipaglalaban na ang kanilang karapatan.


Hangga’t walang aksyon ang gobyerno sa isyung ito, talagang hindi titigil ang mga abusadong employer sa pagmamalupit sa kanilang empleyado, ngunit ngayon ay nakahanap na sila ng katapat.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page