Meron na bang bakuna laban sa luma at nakamamatay na pulitika?
- BULGAR
- Dec 6, 2020
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | December 06, 2020
Dalawang linggo na ang nakararaan nang ipagdiwang natin ang kapistahan ni Kristong Hari. Kung nais nating hindi mapariwara ang mundo, kailangang kilalanin ang tunay na Hari, ang tunay na Diyos na pinagmumulan ng tunay, malinis at nagbibigay-buhay na kapangyarihan. Katatapos lang din ng Eleksiyon sa Estados Unidos. Malinaw kung sino ang nanalo, ngunit ayaw tanggapin ng natalo ang resulta, kaya’t hanggang ngayon, tulad ng natalo sa nakaraang eleksiyon sa ‘Pinas ay tuloy pa rin ang pagprotesta at paghain ng kaso laban sa naturang “electoral fraud” o dayaan sa eleksiyon.
Matitindi ang tinatamong puna at pula ni U.S. President Donald Trump. Ang pinakamatinding pula ay ang nakasanayan na nitong pagsisinungaling bilang lider ng bansa. Pagdating sa COVID-19, binilang pa ng mga Amerikano kung ilang beses nagsinungaling si Trump tungkol sa COVID-19. Bagama’t merong bilang na ibinibigay ang iba’t ibang institusyon, mahalaga ang kanilang ibinigay na hinuha (conclusion): na masama ang pagkakalat ng kasinunalingan sa demokrasya. At hindi nag-iisa si Trump sa paggamit ng fake news, trolling, bashing, slut-shaming, na bahagi lahat ng pagsisinungaling.
Balik tayo sa ‘Pinas. Ano nga ba ang pinakamatinding sakit ng pulitika,partikular na ng mga pulitiko, mula presidente hanggang sa mga punong-barangay?
Nasayang ang pagkakataon nang hindi naisabatas at napatupad ang Anti-Dynasty Bill sa Saligang-Batas ng 1987. Ito ang sinasaad sa Article 2, Section 26, “The state shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.” (Titiyakin ng estado na magkaroon ang lahat ng pagkakataong para sa serbisyong publiko at hindi papahintulutan ang mga dinastiyang pampulitika ayon sa paliwanag nito sa batas.)
Sa mga batang pulitiko, ambisyong nakasisilaw at nakasisira ang umuudyok sa kanila. Sa mga tumatanda at humihinang pulitiko, ang takot na mabitiwan o mawala sa kanilang ang poder ang pangunahing palaisipang bumabagabag at umuudyok sa kanila. Ito ang dalawang uri ng kanser na taglay ng mga dinastiyang pampulitika: ang ambisyon na magkaroon pa ng higit na kapangyarihan at salapi o ang takot na mawala o masira ang kahariang naitayo ng kanilang kapangyarihan at kayamanan.
Luma at nakamamatay ang mga dinastiyang pampulitika. Karamihan sa mga ito ay hindi talaga naghahangad na paunlarin ang kanilang kababayan kundi patatagin pa ang kanilang hawak sa poder upang lalo pa itong lumaganap at tumatag.
Bibihira na ang mga tunay na estadista o statemen o statewomen, mga pulitikong bansa ang iniisip at hindi ang sarili o sariling angkan. Hindi natin makakalimutan si Ka Pepe Diokno o Claro M. Recto. Hindi sila maaalala sa mga kabastusan, pang-aabuso ng kapangyarihan o paglulustay ng pondo. Dinadakila sila dahil sa kanilang malalim at malawak na pananaw at matibay na paninindigan na gawin ang tama at totoo.
Habang pinoproblema ng pamahalaan ang bakuna sa COVID-19, bakit hindi nila pinoproblema ang bakuna sa isa pang nakamamatay na sakit, ang virus ng dinastiyang pampulitika?





Comments