top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Meralco, magtataas ng singil ngayong Mayo

Writer: BULGAR
BULGAR
May 13, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 13, 2023


Tataas ngayong buwan ang singil sa kuryente sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Manila Electric Co. (Meralco), at posible rin ito sa susunod na buwan dahil ang mas mataas na temperatura ang nagtutulak sa demand para sa kuryente.


Kasunod ng reduction noong nakaraang buwan, sinabi ng Meralco na tataas ang singil sa kuryente ngayong buwan nang P11.4929 kada kilowatt-hour mula sa P11.3168 kada kwh sa nakaraang buwan.


Ang pagtaas na ito ay katumbas ng P35 sa mga singil sa kuryente ngayong buwan para sa mga residential customer na kumokonsumo ng 200 kwh, P53 para sa mga kumokonsumo ng 300 kwh, P70 para sa 400 kwh at P88 para sa 500 kwh.


Sinabi ng Meralco na kasama rin generation charge ngayong Mayo ang koleksyon ng final installment ng deferred charges na katumbas ng P0.20 kada kwh.


Nauna nang nakipagkasundo ang Meralco sa mga supplier nito at sa Energy Regulatory Commission (ERC) para sa staggered collection na nasa P1.1 bilyon sa generation cost noong March billing upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng rate sa mga customer nito.


Para sa buwan ng billing na ito, sinabi ng power distributor na tumaas ang singil ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ng P1.7367 kada kwh dahil sa mas mataas na peak demand at mas mahigpit na kondisyon ng supply, na nag-trigger ng pangalawang price cap sa buwan ng supply ng Abril kumpara sa mga nakaraang buwan.


Sinabi ng Meralco na ang temperature levels ay may malaking bahagi sa kabuuang demand para sa kuryente habang ang konsumo ay tumataas sa pagitan ng 10% at 40% sa panahon ng tagtuyot.

Dahil dito, sinabi ng spokersperson at vice president for corporate communications na si Joe Zaldarriaga na ang karagdagang pagtaas sa mga singil sa kuryente ay maaaring ipatupad sa mga susunod na buwan.


Nakatakda ring tapusin ng Meralco ngayong buwan ang pagpapatupad ng huling distribution-related refund na katumbas ng P0.8656 per kwh para sa mga residential customer, ang epekto nito ay mararamdaman sa panahon ng June billing.

Panibagong pasanin para sa taumbayan ang taas-singil sa kuryente sa gitna ng power outages na nararanasan sa iba’t ibang lugar.

Maliit na nga ang sinasahod ng mga tao, at ‘yung iba ay wala pang trabaho, ngunit wala talagang magagawa ang mamamayan kundi ang sumunod na lang.

Kaya kinakailangan na nating magtipid sa kuryente tulad na lamang ng pagbunot sa mga appliances na hindi ginagamit, paggamit ng LED bulbs na nakakatipid sa kuryente, at regular na paglilinis ng mga filter ng air conditioner upang ma-optimize ang paggamit.

Totoong napakahirap magtipid ng kuryente, lalo na ngayong napakainit ng panahon, ngunit sa mga simpleng hakbang na ito ay malaking tulong para sa pagpapababa ng ating bill sa kuryente.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page