Meralco dapat magpaliwanag sa sobrang taas na bill noong ECQ para kumalma ang mga Pinoy
- BULGAR

- Jul 9, 2020
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | July 9, 2020
Noong Lunes, sa hearing ng Senate Committee on Energy, hinimok natin ang Manila Electric Company (Meralco) na bigyan ang mga konsyumer ng malinaw at madaling intindihin na eksplanasyon kung paano na-compute ang kanilang electric bill noong enhanced community quarantine.
Hanggang ngayon, tadtad ang social media ng mga reklamo at pagka-dismaya sa electric bill, at dumadagdag lamang sa kalituhan ng mga kababayan natin sa Metro Manila ang kawalan ng simpleng paliwanag sa billing process.
Bilang kapwa konsyumer, inihayag ko na maaaring nakadagdag sa pagkalito ng marami ay dahil hindi nakalagay sa bill kung na-over or under-estimate ba ng Meralco ang pagkonsumo natin sa panahon ng ECQ.
☻☻☻
At dahil sinabi ng Meralco na hawak na nila ang actual meter reading ng mga konsyumer, nakiusap na rin ako na sa liham na sinabi nilang ipapadala sa 6.5 million consumers nito ay magkaroon ng isa pang billing na isinasaad ang mga nakita nating pagkukulang at hindi malinaw sa mga lumang billing.
Ang gusto lang naman natin, malaman kung may katuwiran ba ang pagtaas ng electric bill.
At hanggang walang malinaw na paliwanag, hindi makakampante ang mga kababayan natin na tama nga ang binabayaran nila para sa serbisyong tinanggap nila.
☻☻☻
Inanunsiyo rin ng Meralco na hindi na nila sisingilin ang P47 convenience fee para sa mga kostumer na nagbabayad gamit ang online application.
Una nang na-waive ang convenience fee noong ECQ, ngunit ibinalik ang pagsingil nito nang magsimula ang general community quarantine noong June 1.
☻☻☻
Marami pang kailangan pag-usapan sa isyu ng “bill shock.”
Ngunit tulad ng madalas sabihin, open communication is key to all successful relationships.
Sa bagay na ito, natutuwa naman tayong hindi naging ilag ang Meralco sa pagkakaroon ng maayos na diskusyon para sa ikapapanatag ng lahat.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments