Mental health program para sa mga estudyante, palakasin
ni Ryan Sison @Boses | May 20, 2023
Inihain ni Senator Sherwin Gatchalian ang panukala na naglalayong palakasin ang mental health at well-being sa basic education sa pamamagitan ng pagkakaroon ng school-based mental health program.
Ayon sa Senador, ang Senate Bill 2200 ay lilikha ng mental health program na maglalahad ng mga responsibilidad ng bawat stakeholder sa paaralan upang tumugon sa mga isyu sa mental health sa pamamagitan ng prevention, intervention, postvention, at recovery.
Gayundin, ang programa ay mag-aalok ng mahahalagang mental health services sa paaralan tulad ng screening, evaluation, assessment, monitoring, mental health first aid, crisis response at referral system, mental health awareness and literacy, emotional, developmental and preventive programs, at iba pang support services gaya ng pagpapatibay ng ugnayan ng mga mag-aaral sa pamilya nito.
Sa ilalim ng Senate Bill 2200, ipapatupad ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang na maghihikayat ng karapat-dapat na pag-uugali sa mga mag-aaral at iba pa na tanggalin ang stigma sa mental health counseling, habang magbibigay naman ng mga programa para sa teaching at non-teaching personnel para sa mental health awareness, literacy, at naaangkop na mental health-related referrals.
Target din nitong magkaroon ng Care Center sa bawat paaralan, na may mga functional physical facilities na may sapat na espasyo upang mapanatili ang confidentiality at madaling ma-access ng mga mag-aaral, guro, at non-teaching personnel.
Sa pamamagitan ng pagpapadali sa pagpaplano at pagpapatupad ng malawakang hakbang sa mental health issues, ang mga paaralan ay kinikilala ng World Health Organization (WHO) bilang mahalagang pangunahing support system sa mental health ng kabataan.
Kung maisasabatas ito, tiyak na maraming estudyante ang matutulungan, lalo na’t napakaraming kabataan ngayon na nakakaranas ng depresyon.
Maging malawak din sana ang isip ng iba pagdating sa usaping depresyon dahil hindi biro ang makaranas nito.
Maraming kabataan ang natatakot na magsabi ng problema sa iba dahil iniisip na baka i-discriminate sila. Ngunit sa totoo lang, mas makakatulong para sa kanila na magsabi ng problema sa kanilang mga pamilya at huwag kimkimin dahil baka ito ay lumala pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments