Men's lalarga para sa FIFA World q'fying at Asian Cup
- BULGAR
- Nov 21, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | November 21, 2023

Laro ngayong Martes – Rizal Memorial
7 pm Pilipinas vs. Indonesia
Sisikapin ng Philippine Men’ Football National Team na bumangon kontra sa bisitang Indonesia sa pagpapatuloy ng pinagsabay na qualifier para sa 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC Asian Cup ngayong Martes sa Rizal Memorial Stadium simula 7 p.m.
Galing ang Azkals sa masaklap na 0-2 talo sa bisita Vietnam sa harap ng 10,378 tagahanga noong nakaraang Huwebes kaya napakahalaga ang manalo.
Maagang naitala ni Nguyen Van Toan ang goal sa ika-16 minuto. Kahit naunahan, tumibay lalo ang depensa ng mga Pinoy hanggang naihabol ni Nguyen Dinh Bac ang pandiin na goal sa ika-94 at bago ang huling pito ng preperi.
Galing din ang Indonesia sa 1-5 pagkabigo sa host Iraq sa Basra Stadium. Maliban sa talo, galing ang mga Indones sa malayong lakbay mula Gitnang Silangan at iyan ay isang maaring magdikta ng resulta.
Wagi ang Indonesia sa huli nilang pagkikita sa Azkals, 2-1, sa 2023-2024 AFF Mitsubishi Electric Cup noong Enero sa Rizal Memorial. Si Coach Josep Ferre ang gumabay sa koponan noon at matapos nito ay itinalaga ng Philippine Football Federation si Coach Hans Michael Weiss.
Patuloy na sasandal si Coach Weiss sa binuo niyang koponan na puno ng mga subok na beterano na ilan ay bahagi na ng Azkals noong una niyang hinawakan ito mula 2011 hanggang 2014. Kahit bigo sa Vietnam, nanindigan ang Aleman na walang dapat ikahiya ang koponan dahil ibinigay nila ang lahat ng makakaya laban sa Vietnam na isang bansa na malaki ang agwat sa Pilipinas sa larangan ng Football.
Nanawagan din ang PFF na ulitin at higitan ang 10,378 na nanood. Maraming inihandang sorpresa para sa lahat at magiging piyesta ulit ang kalsada sa labas ng Rizal Memorial.








Comments