Mayor Lacuna at Gen. Dizon, 'nganga' kontra bookies at lotteng sa Maynila
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Enero 5, 2023
KUNG MARAMING NABIBIKTIMA ANG ONLINE GAMBLING, MARAMI RIN ANG NABIBIKTIMA NG STL-CON JUETENG SA PASIG CITY—Kung talagang sinsero si Pasig City Mayor Vico Sotto, na hindi mabiktima ng mga gambling lords ang kanyang mga kababayan, dapat hindi lang online gambling ang kanyang ipatigil, kundi pati ang Small-Town Lottery (STL)-con jueteng nina "Kit" at "Egay".
Sa totoo lang, kung marami ang nabibiktima sa raket na online gambling, marami rin ang nararaket sa STL-con jueteng.
◘◘◘
CAVITE PNP DIRECTOR, MALAMANG MALINTIKAN KAY PNP-REGION 4-A DIRECTOR GEN. NARTATEZ—Isang alyas Tsan Parak ang nasa likod umano ng protection racket sa mga illegal gambling na perya ng bayan-con jueteng nina "John Yap", "Renen", "Manalang"; sakla nina "Erik Turok", "Tagoy" at color games, drop balls ni "Egay" na nag-o-operate sa iba't ibang siyudad at munisipalidad sa Cavite.
Kung pulis si "Tsan Parak," dapat ipa-tokhang ito ni Cavite PNP Director, Col. Christopher Olazo, pati ang mga gambling lords na pinuproteksyunan nito kasi baka siya ang malintikan, dahil ang linaw naman ng direktiba ni PNP-Region 4-A Director, Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez na "no-take policy" sa lahat ng uri ng mga ilegalista, tapos may pulis na pasimuno ng protection racket at kapag sinabing protektado ang sugalan, siyempre may kapalit 'yan—walang iba, kundi "payola".
◘◘◘
NATAPOS ANG 2022 NANG WALANG AKSYON SINA MAYOR LACUNA AT GEN. DIZON SA BOOKIES AT LOTTENG SA MAYNILA—Natapos ang 2022 nang wala man lang ginawang aksyon sina Manila Mayor Honey Lacuna at MPD (Manila Police District) Director, Brig. Gen. Andre Dizon laban sa raket na bookies at lotteng nina "Boy Abang" at "Lorna" sa Maynila.
Dahil d'yan ay asahang ngayong 2023 ay patuloy na bibiktimahin nina "Boy Abang" at "Lorna" sa raket nila ang mga Manileño.





Comments