Mayamang dyowa o asawa, paraan para umunlad ang bebot na taong sais
- BULGAR
- Dec 18, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 18, 2021
Dear Maestro,
Ako ay masugid n’yong tagasubaybay. Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil may nais akong linawin sa aking kapalaran. Ano ang kapalaran na naghihintay sa akin?
Marami kasi akong mga pangarap na gustong marating, lalo sa pag-aaral, subalit pinanghihinaan ako ng loob. Hindi ko alam kung ano ang nararapat kong gawin upang maabot ko ang aking mga pangarap sa buhay.
Marami kasing hadlang sa mga plano ko, lalo na sa usaping pampinansiyal. Mahirap pala kapag nag-iisa mong hinaharap ang buhay dahil kapag may nais kang abutin, walang tumutulong sa iyo. Mag-isa kong itinataguyod ang aking sarili para makapag-aral ako at minsan ay nagpapadala pa ako ng pera sa nanay ko.
Sa ngayon, iniisip ko na lang na kumuha ng caregiver. Sana ay dumating din ang suwerte sa akin at sa aming pamilya, pero sa paanong paraan kaya, Maestro? Sana ay magabayan mo rin ang aking kapalaran upang suwertehin din ako. January 15, 1998 ang birthday ko.
Umaasa,
Ms. Capricorn ng Santa Monica, Novaliches, Q.C.
Dear Ms. Capricorn,
Dahil ikaw ay isang babae, ayon sa birth date mong January 15, 1998, lalaki ang magiging suwerte mo. Sa mas malinaw na salita, susuwertehin ka sa lalaki, kaya kailangang magkaroon ka ng boyfriend o asawa na may kaya sa buhay o mayaman, dahil ‘yun ang daan, hindi lang upang matupad ang lahat ng iyong mga pangarap sa buhay kundi sobra pa sa iyong mga pinapangarap ang posibleng mangyari sa iyo.
Bukod kasi sa mga taong may birth date na 5, 14 at 23, na sinusuwerte at yumayaman sa pag-aasawa, ang mga taong may birth date na 6, 15 at 24 ay ganundin. Kaya lang, palaging may problema sa puso at damdamin, pero alisin mo ang usapang damdamin, emosyon at pag-ibig, makikita mo at talaga namang lulutang na ang isa sa pinakamapalad na numero sa aspetong propesyon at materyal ng mga taong may birth date na 6, 15 at 24 kung pipilitin nilang magka-boyfriend o makapag-asawa ng mayaman.
Halimbawang nagka-boyfriend ka ng tulad mong hirap sa buhay, huwag mong sisihin ang kapalaran dahil ngayon pa lang ay ipinaaalam ko na sa iyo ang iyong kapalaran— makakaahon ka sa hirap sa pamamagitan ng may kaya, mayaman o nakapag-aral na lalaki na magiging boyfriend mo at tuluyang mapapangasawa.
Samantala, bukod sa nasabing paraan, palagi ka ring magsuot ng kulay na pula tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang mga nasabing petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.
Kapag naman sasapit ang petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 8, 17 at 26, pagsalit-salitin mo ang kulay na berde at dilaw, higit lalo kung ang nasabing petsa ay natapat sa araw ng Sabado, Linggo at Lunes.
At ang panghuling teknik upang makaahon ka sa kahirapan at matupad ang lahat ng mga pangarap mo sa buhay, medyo lakihan at buhayin mo naman ang iyong lagda.
Napakaliit kasi ng iyong lagda, kaya maliit na suwerte at kakapiranggot na magagandang kapalaran lang ang dumarating sa iyong buhay.
Subalit kung mula ngayon ay lalakihan at bibigyan mo ng buhay ang mga letra at salita sa iyong pirma, tulad ng nasabi na, biglang magbabago ang iyong kapalaran. Kahit hindi ka makatapos ng pag-aaral, dahil karamihan sa mga Capricorn ay hindi naman sa kanyang propesyon nagtatagumpay kundi sa pagnenegosyo, tiyak ang magaganap – yayaman ka at matutupad ang lahat ng mga pangarap mo sa buhay, na nakatakda at magsisimulang mangyari sa taong 2032 sa edad mong 34 pataas.




Comments