May sakit na dengue at leptospirosis, sagot ng PhilHealth
- BULGAR
- Aug 20, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 20, 2023
Ipinaalala ulit ng Philippine Health Insurance (PhilHealth) sa mga mamamayan na mayroon ang kagawaran ng mga benepisyong ibinibigay para sa mga maoospital sanhi ng dengue at leptospirosis.
Batay sa latest report ng Department of Health (DOH), mahigit 80,000 kaso ng dengue habang 2,000 kaso ng leptospirosis ang naitala sa bansa.
Binigyan-diin naman ng PhilHealth na kanilang sasagutin ang hanggang P10,000 para sa dengue, mayroon man ito o walang warning signs at P16,000 para sa severe dengue. Habang P11,000 naman ang benepisyo ng kagawaran para sa leptospirosis.
Sa pinakahuling datos ng ahensya noong Hunyo 5, 2023, napag-alaman na nakapagbigay na ang PhilHealth ng mahigit P700 milyon para sa 76,000 dengue claims, at P19 milyon sa 1,654 claims para sa leptospirosis sa buong bansa.
Hinikayat naman ni PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang mga Kababayan na patuloy na gawin ang kaukulang pag-iingat upang makaiwas sa dengue at leptospirosis, kung saan dalawa sa mga maituturing na karaniwang sakit sa panahon ng tag-ulan.
Gayundin, hinimok niya ang publiko na gawing magparehistro at mag-update ng record sa PhilHealth para maiwasan ang abala sa pagkuha ng mga benepisyo.
Nakakabahala na ang pagdami ng mga kaso ng dengue at leptospirosis sa bansa. Kahit sino ay puwedeng madale dahil walang pinipili ang mga sakit na ito.
Gayunman, malaking kagaanan para sa ating mga Kababayan na sinagot na ng PhilHealth ang gastusin para sa mga tinamaan ng dengue at leptospirosis.
Kahit na papaano ay magiging kabawasan na ito sa kanilang alalahanin habang naka-admit sa mga ospital o nagpapagaling na lang sa bahay.
Sa kabila nito, dapat pa rin nating tiyakin na maging malinis tayo sa ating kapaligiran, umiwas tayo sa paglusong sa baha, palaging mag-iskedyul ng paglilinis ng mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok.
Mahalaga rin ang agad na pagpapatingin natin sa doktor sakaling makaramdam ng anumang sintomas at huwag na huwag itong ipagsawalang-bahala dahil sa delikado ang mga naturang sakit.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments