May pag-asa pa ba?
- BULGAR
- Feb 27, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 27, 2023
“May pag-asa pa ba?”
Kaninong tanong ito, para sa mga hindi na nagtatanong dahil para sa kanila ay hindi na ito mahalaga? Sa mga naghihintay na iba ang magtanong para sa kanila? Sa mga ayaw na ng kumplikado at malungkot na buhay? Sa mga nasiraan ng loob dahil pakiramdam nila, sila ay niloko, dinaya at binastos? Sa mga nagsisimula nang maniwala na hindi rito ang sagot sa tanong kundi sa ibang bayan?
Hindi ko alam kung nasaan kayo ngayon sa ating kasalukuyang panahon. Madalas kong marinig mula sa mga grupo ng nakaupo at pakiramdam nila ay talagang sila ang nanalo ang mga katagang, “Tama na ang reklamo,” “Tama na ang pambabatikos,” “Talo na kayo at tanggapin n’yo ang pagkatalo,” “Ano pa ba ang pinaglalaban n’yo, hindi ba, mas magandang mag-move on na lang kayo?”
Sa kabilang banda, mayroon namang hindi nagbabago ang kanilang sigaw tulad ng, “Ang anak ay tulad ng kanyang tatay…Hitler, diktador, tuta ng kano!”
Mayroon din namang, “Wala nang makapagpapakilos sa atin kundi si Leni Robredo. Si Leni lang ang pag-asa natin, wala nang iba!”
Habang mula sa panig ng simbahan, mayroong nagsasabing, “Dasal lang ang pag-asa,” “Dasal lang ang ating sandata at Diyos lang ang makaliligtas sa atin at ang tanging magagawa natin ay magdasal sa Kanya.”
Kaya madalas ding idugtong ng ilan na hindi puwedeng pagsamahin ang pulitika sa pananampalataya. Kung ano ang sa gobyerno ay para sa gobyerno. Kung ano ang sa simbahan ay para sa simbahan. Naririnig natin ito sa Banal na Kasulatan, “Ibigay kay Cesar ang kay Cesar.
Ibigay sa Diyos ang sa Diyos.”
Dahil dito, medyo mahirap buuin ang nagkakaisang pananaw at pagtugon. Kung ano ang dami ng pananaw, siya ring dami ng tao, kaya kailangang magkaunawaan upang magtanggapan. Ngunit paano natin gagawin ito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon na naglalayong ibalik ang nawalang kredibilidad ng nasirang administrasyon noong panahon ng EDSA Uno?
Malinaw na hindi madaling gawin ito dahil ang mga nakapuwesto ay may makinarya, pondo at teknolohiya. Malinaw na ang pananatili at pagtatanggol ng alaala ay nanganganib sa hayagang pagbaluktot at pagbura ng kasaysayan o tunay na nangyari na nasaksihan ng maraming Pilipino.
Maliban sa sistematiko at malawakang paninira, nar’yan din ang pagbura at pagbuo ng bagong kuwento at kasaysayan ng mga nakaupo. Ito ang tinatawag na “historical revisionism” o ang sistematikong pagbabago, pagbura, pagpapalit ng kuwento at kasaysayan.
“Hindi nangyari ang Martial Law!” “Hindi masamang tao si Pangulong Ferdinand Marcos!”
May mga naniniwala na isang bayani si Marcos Sr. at ang pruweba rito ay ang napakaraming medalya na tinanggap niya mula sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Mayaman ang mga Marcos at marami silang gintong nakatago. Kapag nailabas ang gintong ito at naipamahagi sa bawat mamamayan, uunlad ang ating bayan. Hindi bayani si Ninoy. Kailangan n’yong panoorin ang ‘Ninoy, Martyr o Murderer?’ Hindi raw siya katulad ni Marcos Sr. na hindi namatay para sa bayan at natuklasan nilang kabaligtaran ang katotohanan sa paulit-ulit na sinasabi niya tungkol sa kanyang ama.
Paano natin ipapamalas at ipapakita ang katotohanan, partikular ang katotohanan sa EDSA?
Kailangan nating magsikap na lumabas at makipag-usap sa lahat, lalo na ang mga susuporta sa laganap nang pagkakalat ng binabago, binaluktot na kuwento ng EDSA Uno o ang bagong kasaysayan ayon sa kasalukuyang administrasyon.
Kaya sa kabila ng maraming dismayadong mamamayan, itinuloy pa rin ng iba’t ibang grupo ang mga pagkilos sa ika-25 ng Pebrero. Dalawang lugar ang pinagdausan ng mga magkaugnay, ngunit magkaibang paggunita. Sa People Power Monument (PPM) sa Temple Drive (papuntang Mormon National Headquarters), naru’n ang mga grupong mayroong pananaw at mithiing pulitikal. Habang nasa EDSA Shrine naman ang mga grupong nananatiling malapit at kumikilos sa loob at labas ng kanilang pananalig sa Diyos.
Mayroon ding ikatlong puwersa noong ika-25 ng Pebrero. Ito ang hindi kasama sa pagdiriwang sa PPM, gayundin ang hindi sumama sa EDSA shrine at ito ang puwersa ng nakakaraming biktima ng sistematikong pagkalimot.
Sila ang kailangan nating paliwanagan na para sa kanila an gating hinihiling na ipaglaban ang buhay at mahalagang memorya ng EDSA.








Comments