May mister na biktima rin ng pang-aabuso ng misis
ni Ryan Sison @Boses | June 19, 2023
Dapat nang aprubahan ang batas kaugnay sa diborsyo sa Pilipinas.
Ito ang panawagan ni 1st District Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez sa mga kasamahan niyang mambabatas.
Ayon kay Alvarez, na siyang pangunahing may-akda ng Divorce Bill, hindi na kailangan pang magsama ang isang mag-asawa na naglaho na ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa dahil hahantong lang ito sa madalas na pag-aaway at maaaring sila ay magkasakitan pa.
Paliwanag ng mambabatas, mabigat na responsibilidad ang pagiging tatay, lalo pa na ang bawat ama ang itinuturing na haligi ng tahanan. Aniya pa, kailangang lagi silang matatag at malakas pero sa kabila ng matitikas na kilos at mga mapagpanggap na ngiti para sa kanilang mga anak, mayroon ding emosyon ang mga ito, gaya ng umiiyak, nasasaktan, at nahihirapan, lalo na ang mga naiipit sa magulo, mapang-abuso, at hindi masayang pagsasama.
Binigyang-diin naman ni Alvarez ang kahalagahan na masolusyunan ang isyu patungkol sa mga kaso ng binubugbog na mister at ng mga tinatawag na “andres de saya”. Marami rin aniya, na mga mister na sinasaktan ng kanilang mga misis.
Gayundin, pangunahing isinusulong ni Alvarez ang reporma sa Divorce Bill, kung saan inilahad ang malalim na epekto kung hindi mareresolbahan ang pagsasama ng mga mag-asawang hindi na nagkakasundo at madalas nang mag-away.
Mahirap talagang pagsamahin ang mag-asawa kung wala nang paraan pa na sila ay magkasundo.
Hindi na kasi sila nagkakaintindihan at nagkakaunawaan sa maraming bagay. Minsan pa nga, humahantong na sila sa pagkakasakitan kahit simple lamang ang kanilang pinagtatalunan.
Malaki man ang maaaring epekto ng kanilang paghihiwalay sa kanilang mga anak, mas magiging mabigat ang resulta nito kung patuloy na ipipilit na sila ay magsama dahil lagi nang may gulo sa pamilya.
Sa kinauukulan, sana ay maaprubahan na ang panukalang ito at maisabatas dahil malaki ang maitutulong nito hindi lamang sa bawat pamilya kundi pati na rin sa pamayanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments