May kulong at multang ₱50K... IT graduate, nagpuslit ng CSE test booklet

ni Zel Fernandez | April 25, 2022

Agad na umaksiyon ang Civil Service Commission (CSC) matapos mahuli ang isang examinee na kumuha ng test booklet sa kasagsagan ng Civil Service Examination sa Region 2, kahapon.
Ayon kay CSC Commissioner Atty. Aileen Lizada, isang IT graduate ang nakapagpuslit ng test booklet, na narekober sa isang palikuran.
Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya at CSC officials kung nakuhanan ba ng larawan ang test booklet, gamit ang cellphone ng examinee at ang posibilidad na naipasa pa ito sa iba.
Samantala, hawak na ng mga awtoridad ang cellphone ng akusado at nakita na deleted na anila ang mga larawan sa gallery nito.
Batay sa legal team ng CSC, sa ilalim ng Anti-Cheating Law, itinuturing na pandaraya ang insidente at may katumbas na kaparusahan ang sino mang mahuhuling may hawak ng examination materials na hindi awtorisado ng komisyon.
Gayundin, ang mandaraya ay hindi na makapapasok sa government service at diskuwalipikado na ring makakuha ng CSC exam sa hinaharap. Bukod pa rito, ang sino mang mahuhuling nandaraya sa CSE ay may kaparusahang kulong nang hanggang 12 taon at multa na hindi hihigit sa ₱50,000.





Comments