May kautusan man o wala, dapat laging propesyunal ang titser!
- BULGAR
- Nov 7, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 7, 2022
Para higit na mapaigting ang propesyunalismo ng mga guro, naglabas ng panuntunan ang Department of Education (DepEd) na magbibigay ng maayos na edukasyon sa mga bata.
Kabilang na ang pagbabawal sa mga guro na magkaroon ng relasyon o usapan sa kanilang mga estudyante, pisikal man o sa pamamagitan ng social media kung ito ay labas sa usaping pampaaralan, maliban na lamang kung sila ay kamag-anak.
Sa Department Order 49, pinaiiwas din ang mga guro sa mga gawaing makakapagkompromiso sa integridad ng DepEd at bilang empleyado ng pamahalaan.
Gayundin, naninindigan ang DepEd na dapat umanong igalang ng mga guro ang karapatan ng iba at iwasan ang paggawa ng mga aksyon na labag sa batas, good morals at customs, mga polisiya at kautusan. Pinatitiyak din na gagawin ng mga guro ang kanilang responsibilidad ng may paggalang at pagiging patas.
Samantala, nagpaalala ang DepEd sa mga empleyado na iwasan ang pagpo-post o pagbabahagi ng mga contents, lalo na ang pakikibahagi sa maling impormasyon.
May kautusan man o wala, hindi puwedeng makalimutan ng mga guro na maging propesyunal sa lahat ng pagkakataon.
Gayunman, hindi natin nilalahat, pero may mangilan-ngilang guro na tila nakakalimot at inuuna ang sariling kapakanan.
Matatandaang nagkaroon ng insidente ng pang-aabusong sekswal sa pamamagitan ng social media, bagay na nagdulot ng takot sa mga mag-aaral at magulang.
Pero siyempre, hindi pa rin nawawala ang mga guro na handang tumayo bilang ikalawang magulang ng mga mag-aaral at sobra-sobra pa sa kanilang tungkulin ang mga ginagawa para matiyak na nabibigyan ng tamang edukasyon ang mga estudyante.
Naniniwala tayong sila ang mga tunay na ehemplo at dapat tularan ng kanilang mga kapwa titser.
Higit sa lahat, hangad nating makatulong ang bagong kautusan upang mapanatili ang propesyunalidad ng ating mga guro.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments