May kabuluhan ba ang pangalan ng mga bagyo?
- BULGAR
- Sep 11, 2021
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 11, 2021
Nagising na ako nang alas-3: 00 ng umaga noong Miyerkules, ika-8 ng Setyembre. Malakas ang buhos ng ulan na tila tumpok ng bato na bumabagsak sa mga yero, imposible na tayong makatulog nang mahimbing. Ganu’n kalakas ang bagsak ng tubig mula sa Bagyong Jolina.
Bakit kaya Jolina? Marahil, wala nang maisip na pangalan ang PAGASA kaya’t lumitaw na lang ang pangalang ito. Nauna sa Bagyong Jolina si “Isang” at natural lang na kasunod ng “I” ay “J” kaya’t okay na rin ang Jolina.
At dahil ang kasunod ng “J” ay “K”, biglang sumulpot ang pangalan ng kasunod na Bagyong Kiko. Meron kayang mahalaga o malalim na dahilan ang pagpili ng PAGASA sa Kiko? Malamang wala.
Kung walang malalim na dahilan sa pagpili ng Bagyong Kiko, malaya naman tayong magbigay ng pansariling kahulugan at kahalagahan para sa pangalang “Kiko”, ng kasunod na bagyo. Kasisimula lang ng mahigit isang buwang pagdiriwang na tinawag ni Papa Francisco ng “Season of Creation” na nagsimula ng ika-1 ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre, ang Pista ni San Francisco ng Assisi.
Napakahalagang tutukan ang kalikasan sa buong buwan ng Setyembre hanggang sa Pista ni San Francisco. Napakahalaga ng kalikasan sa kasalukuyang panahon. Kung ipinagdarasal natin araw-araw ang Oratio Imperata, kailangang hanapan natin ng panahon ang sumusunod na dasal ng panahon ng paglikha. Basahin natin ang ilang bahagi ng panalanging ito: Maylikha ng lahat, nagpapasalamat kami na mula sa pagkakaisa ng Inyong pag-ibig ay nilikha N’yo ang aming planeta upang maging tahanan ng tanan.
Sa pamamagitan ng Inyong banal na karunungan, Inyong nilika ang daigdig upang magpasibol ng samu’t saring buhay sa sangkalupaan, sangkatubigan at sangkalawakan. Pinupuri Ka ng bawat bahagi ng sangnilikha at kanilang kinakalinga ang isa’t isa ayon sa kani-kanilang kinatatayuan sa hibla ng buhay. Kaisa ng Salmista, umaawit kami sa Iyo ng papuri na sa Iyong bahay “maging ang maya ay nakasusumpong ng tahanan at ang langay-langayan ng pugad para sa kanya na mapaglalapagan niya ng kanyang inakay.”
Batid namin na tinawag Mo ang sangkatauhan na pangalagaan ang Iyong halamanan nang may paggalang sa dangal ng bawat nilalang at pinananatiling ganap ang buhay sa daigdig para sa tanan. Subalit, batid din naming ang paghahangad ng kapangyarihan ay nagdadala sa aming planetang tahanan sa sukdulang kasiraan.
Ang aming pagkokonsumo ay hindi na ayon sa kakayahan ng daigdig na hilumin ang kanyang sarili. Natitigang at nawawala na ang mga tirahan ng samu’t saring buhay. Marami na ring samu’t saring buhay ang naglaho, gayundin ay ang mga nasirang sistemang ekolohikal. Ang mga bahura ng korales, mga lungga ng mga hayop, kabundukan at karagatan na dating puspos ng buhay at ugnayan, ngayon ay tuyot at tiwang-wang.
Marami ring pamilya ang nawalan ng tirahan duloy ng kawalan ng seguridad at alitan, nagsisilikas sa paghahangad na masumpungan ang kapayapaan. Ang mga hayop ay nagsisipanakbuhan papalayo sa kanilang likas na tirahan sanhi ng mga nagliliyab na apoy, pagkakalbo ng mga gubat at taggutom, at gumagala sa paghahanap ng bagong tahanan para sa kanilang supling at para mabuhay.
Ngayong panahon ng paglikha, idinadalangin naming nawa’y ang hininga ng lyong malikhaing salita ay dumaloy sa aming mga puso tulad ng tubig sa aming pagsilang at binyag. Pagkalooban Mo kami ng pananampalataya upang masundan ang halimbawa ni HesuKristo sa makatarungang pakikipag-ugnayan sa komunidad ng buhay.”
Magtatapos ang Panahon ng Paglikaha sa Pista ni San Francisco ng Assisi. “Kiko” ang palayaw ng Santo — “Papa Kiko” ang tinawag ng mga Pinoy sa kanya. Isinulat ni “Papa Kiko” ang Laudato Si kung saan tinawag niya ang mundo na tahanan ng lahat. Mababasa ito sa panalangin. At mababasa rin ang dahilan ng pagkasira ng mundo mula sa paghina at pagkawala ng pangalan sa dangal ng tao at kalikasan hanggang sa walang habas na pagkonsumo. Kung kailangan nating baguhin ang pagtingin sa kalusugan ng katawan dahil sa pandemya, kailangan din nating baguhin ang pagtingin sa kalusugan ng daigdig.








Comments