top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Sep. 28, 2024



Fr. Robert Reyes

Lungkot, lumbay, dalamhati… depresyon. Sino sa atin ang hindi dumaranas ng kulimlim at dilim sa kanyang buhay? 


Noong mga panahon namin ng mga dekadang 50,60 at 70, hindi masyadong pinag-uusapan at pinoproblema ang “depression,” kahit meron nang ganito ng mga nagdaang panahon. Isa itong kondisyon ng isipan na nangangailangan ng seryosong atensyon ng mga dalubhasa tulad ng mga psychologist at psychiatrist. Kung hindi ito matuklasan at matugunan nang maaga, maaaring mauwi ito sa trahedya.


Ganito ang istorya ng maikli ngunit lubhang mabunga at makulay na buhay ni Maningning Miclat, anak nina Mario at Alma, kapatid ni Banaue. Panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos nang lumikas ng Pilipinas sina Mario at Alma. Sa Beijing, China sila nagtungo upang iwasan ang lumalalang diktadurya ni Marcos. At sa Tsina, isinilang at lumaki ang dalawang babaeng anak nina Mario at Alma. 


Doon sa matabang lupa ng nasabing bansa namulat at lumaki sina Maningning at Banaue. Nagkainteres si Maningning sa pagsusulat ng tula sa wikang Tsino. Nagsimula rin ito ng pagpipinta (Chinese painting). Inibig ni Maningning ang bansang kumalinga at nagturo sa kanya ng kanyang kamusmusan. Ginantihan niya ito ng mga tulang binubuo ng mga piling salitang bumuno ng mga malalalim na tula ng mga wikang Tsino.


Bagama’t hindi Chinese si Maningning, hindi ito nag-atubiling pumasok sa mahiwagang kuweba ng sining ng Tsino. At sa mga murang taon ng batang may dugong Pinoy, nakasalamuha at nakalaro nito ang kakaibang diwang Tsino. 


Sa paglipas ng mga taon, nang ligtas nang bumalik sa ating bansa, ang kanyang mga magulang ay kinailangang muling pumasok sa bago at kakaibang mundo, ang mundo ng lahing Pilipino. At sa mga sumunod na taon (1986-2000) mabilis na natutunan at pinagyaman ng batang makata ang dalawang wika, Filipino at Ingles. Inaral din niya ang kanluranin at katutubong sining ng pagpipinta. Hindi inaasahan ng lahat lalo na ng kanyang mga mahal na magulang at kaisa-isang kapatid ang trahedya ng kanyang biglang pagpanaw noong Setyembre 29, 2000.


Mula noon hanggang ngayon, idinaraos ng Maningning Miclat Art Foundation, Inc. ang iba’t ibang natatanging programa at pagkilala sa malikhaing kabataang 28 taon gulang noon (edad ni Maningning ng kanyang pagpanaw).


Ngunit sa taong ito, idinaos ng MMAFI ang “Ningning sa Dilim,” isang talakayan ng kaugnayan ng sining sa kalusugang pang-isip (mental health). Sa pagdiriwang, napakinggan ang mga panayam nina Yasmin Almonte, Cathy Sanchez Babao at Dr. Dinah Pacquing Nadera. Sa simula ng programa, ibinahagi natin ang sumusunod na ‘tulang panalangin,’ gamit ang pamagat na “Ningning sa Dilim.”

 

Lungkot, lumbay, dalamhati ay lahat bahagi ng kulimlim at dilim ng buhay.

Daraa’t daraan ang lahat sa mga palubog na damdaming ito. 

Marahil, ito ang naramdaman ni Maningning nang lisanin niya ang mahal niyang Tsina.

At sa kanyang bagong daigdig sa bayan ng kanyang mga magulang, 

Habang sinasalubong ang nakagawiang kulimlim at dilim, 

Buong galing at lakas sinuong ang dalawang bagong wika ng Ingles at Tagalog. 

‘Di nagtagal, buong tatas at galing tumula, hindi lang sa isa 

Kundi sa tatlong wika… Tsino, Pilipino at Ingles. 

Ganu’n din sa pagpinta, sa dating estilong Tsino at ‘di kalauna’y 

Sa bagong istilong pinag-isang kanluranin at Filipino.

Dalawang mundong nagpupumiglas, nagsusumigaw, kumakawala,

Nagtatanong, namamangha’t lumuluha.

Sa mayaman bagama’t murang kalooban ni Maningning, 

May makikinig kaya, may uunawa o maski maaawa?

Madilim, kulimlim, sana’y may taingang marinig.

Sana’y may pusong mangumusta’t kumalinga.

Meron kayang nakaririnig sa piping hikbi ng kaluluwang tigib

Sa kahapon, tinatanong ng ngayon, hinahamon at hinahatulan ng bukas?

 

Napakaraming mga kabataang dumaraan sa lungkot, lumbay at dalamhati. Napakarami ring nagsasabing, “depressed” daw sila. Huwag nating balewalain ang anumang reklamo’t parinig hinggil sa kalagayan ng kanilang isipan at kalooban. 


Napakaraming Maningning sa lipunan. Totoo at ilang taong natutulungan sila ng kanilang sining at anumang nagbibigay tatag, tibay at kabuluhan. Ngunit higit sa sining, hindi mapapalitan o matatapatan ang pakikinig, pagkalinga at pagmamahal ng sinumang malapit sa mga kabataang nagtatanong, nalulungkot, nalulumbay at nagdadalamhati.


Salamat sa Maningning Miclat Art Foundation, Inc. sa makabuluhang panayam at palitan tungkol sa sining at kalusugan ng isipan. Magandang simula ito, at sana’y maipagpatuloy.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 21, 2024


Fr. Robert Reyes

Oktubre, tatlong buwan na lang mula ngayon at filing of candidacy na ng mga tatakbo para sa midterm elections sa Mayo 2025. 


Nagsisimula na ang kampanya ng mga billboard. Matindi ang pagkalat ng billboards ng dalawang senador. Ang isa ay dinadaan sa paramihan. Ang isa naman ay sa palakihan ng mga dambuhalang outdoor tarps na idini-display ang kanyang mukha at pangalan. Magandang tanong sa Comelec: Hindi ba’t “electioneering ito”? At siyempre, walang sagot ang Comelec o maingat namang itinatago ng mga nangangampanya ang kanilang motibo sa iba’t ibang paraan tulad ng mainit na pagbati at pagtanggap sa mga mag-aaral sa nalalapit nang pasukan sa Hulyo 29, 2024. Gaano ba kahalaga ang papalapit na filing of candidacy ng mga kandidato? Gaano ba kaimportante ang mid-term elections sa Mayo 2025?


At meron pang mas mahalaga at mas malalim na katanungan. Gaano ba kahalaga ang malinis at totoong eleksyon? Gaano pa ba kahalaga ang tunay na demokrasya? At sa likod nito, gaano kahalaga ang kalayaan?


Noong Nobyembre 29, 2023, nagpalabas ang Comelec ng resolusyon na, “buksan ang ilang ballot boxes” sa Santo Tomas, Batangas. Nagbayad na para sa “manual recounting ng mga balota” ang tatlong diumanong natalong kandidato sa pagka-mayor ng lugar. Pagkatapos nilang maglabas ng resolusyon na maaari nang buksan ang mga ballot boxes sa Santo Tomas, Batangas, mabilis na iniba ang ihip ng hangin. Hindi na nila pabubuksan ang mga ballot box. Ano ang dahilan ng kanilang urong-sulong na desisyon? Ano kaya ang ayaw nilang malaman kung matuloy ang pagbukas ng mga ballot box?


Kung tunay na nais ng Comelec na isipin ng lahat na mapagkakatiwalaan at maaasahan sila sa pagbabantay at pagtataguyod hindi lang ng totoo at marangal na halalan, kailangan nilang ipakita na bukas o “transparent” sila. Napakaganda ng kanilang pahayag noong panahon na payagang ipabukas ang mga ballot box sa Santo Tomas, Batangas.


Pitong buwan na ang lumipas mula ng Nobyembre 29, 2023 at tatlong buwan na lang ay Oktubre na, ang filing of candidacy. Kung nais ng Comelec na isipin ng publiko na mapagkakatiwalaan at maaasahan silang bantayan at ipatupad ang malinis, totoo at marangal na halalan sa darating na Mayo 2025, kailangan din nilang ipakita na maaasahan at kapani-paniwala ang kanilang mga pahayag, ang kanilang mga salita sa taumbayan. Kung bubuksan, dapat buksan. Hindi maaaring bubuksan at biglang na lamang hindi bubuksan.


Kaya ngayong Sabado, Hulyo 20, 2024, magtutungo ang ilang mga taga-Maynila sa Santo Tomas, Batangas para magbigay ng suporta sa tatlong kandidato sa pagka-mayor na diumanong natalo noong nakaraang halalan. Magdarasal at mag-aalay ng misa ang mga taga-Maynila. Bahagi rin ito ng walang palyang “Last Friday Devotion” o pag-alay ng rosaryo ng misa sa harapan ng Comelec para pakinggan ang mga hinaing at hiling ng taumbayan mula pa nang unang isinagawa ito, at nagrosaryo at misa sa harapan ng Comelec, Intramuros, noong Marso 31, 2023.

Ganoon na lang kahalaga para sa dumaraming bilang ng mamamayan ang pagkakaroon ng totoo at marangal na halalan. Hindi ba’t ito ang isang haligi ng demokrasya, ang totoo at marangal na halalan? Hindi ba’t ito ang paulit-ulit ding sinasabi ng Comelec na kanilang sagradong mandato mula sa taumbayan, gayundin sa Maykapal?


Hindi kami titigil, mga mahal na mga Comelec commissioners at mga kababayang kawani ng Comelec.


Ang malaking tanong, bakit kailangan pang magpunta ng mga taga-Maynila sa Santo Tomas, Batangas para lang sabihin na, “Buksan ang mga ballot box”

Mga mahal na kababayan, ito ang ibig sabihin ng demokrasya at kalayaan ngayon. Hindi na natin maaaring iasa at ipagkatiwala sa pamahalaan ang dakila at sagradong mga sangkap ng ating mapayapa, masagana at makabuluhang kinabukasan.


Marami mang nagtatanong kung meron pang pag-asa ang ating bansa. Malinaw na sagot nito ay oo, kung magkakaroon ng tunay at tapat na halalan. Gayundin, kung igagalang ng Comelec ang sarili nilang pahayag noong Nobyembre 29, 2023 na buksan ang mga ballot boxes sa Santo Tomas, Batangas, at higit sa lahat kung magiging patas at makatwiran ang mga namamahala sa gobyerno.


 

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 12, 2022


Premium gas: P67/liter; unleaded: P66/liter; diesel: P62/liter. Abangan ang pagtaas pa ng presyo ng gasolina’t krudo sa susunod na linggo.


Maghanda na po tayo sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa P100 kada litro.


Ano ang tugon ng pamahalaan? Fuel subsidy. Eh, paano na ang mga maliit at kulang ang suweldo o ang walang trabaho? Napakarami na ng mga ganitong mga kababayan natin noon pang nagsimula ang pandemya, Marso 2020. Hirap at baon na baon na sa utang ang marami sa nagdaang dalawang taon ng kahirapan at kawalan.


Kasabay pa ng krisis sa Ukraine ay ang nalalapit na halalan sa Mayo 2022. Tumitindi na ang kampanya ng mga kandidato at ng kani-kanilang mga partido. Ganundin ang mga partylist.


Ngunit sa isang banda, lalabas ang pera ng mga kandidato at partido para tustusan ang malawakang pambansang kampanya.


Sige lang, ikalat ang salapi para sa mga nagugutom at nangangailangan. Sana lang ay hindi tuluyang lumabo ang paningin at pananaw ng marami para piliin pa rin sa hulihan ang tama, malinis, mabuti at mahusay na mga kandidato na mag-aahon sa atin hindi lang sa kahirapan kundi mula sa putikan ng katiwalian at imoralidad.


Ngunit mapanganib ang paggamit ng salapi. Ito ang naging kalakaran ng mga nagdaang administrasyon.


Ang napakadali at walang kumplikasyong instrumento ng pagkontrol at pananamantala ay ang salapi. Nakita natin kung paano unti-unting pinatahimik ng salapi ang Simbahan noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kung paanong naging madaling humingi at umasa sa pera ng ilang mga namumuno sa Simbahan. Nakalulungkot kung paano hindi ligtas ang mga taong-Simbahan sa salot na korupsiyon.


Kailangang magpakatatag upang hindi mahulog sa tukso ng salapi na sa tingin natin ay ang pangunahing tukso ng marumi at tiwaling pulitika sa ating bansa.


Pagdating sa mga kandidato, napakadaling makuha ang suporta ng mga naghihirap at nangangailangan ng pera. Mula itaas hanggang baba, mula sa pinaka-espirituwal hanggang sa pinaka-materyal at mala-salaping pagkatao, ganu'n na lang makaakit at makapagpahina ng loob at makapagpalabo ng pananaw ang salapi.


Ito marahil ang malalim na hamon ng pagtaas ng presyo ng lahat at ng pagkawala ng salapi at paghihirap ng marami.


Panahon nang maglakad, magtipid, magtanim, magpalitang-ani (barter), matulog nang maaga, magbawas ng konsumo ng anuman mula pagkain hanggang kuryente at gasolina. Panahon nang bumalik sa payak na pamumuhay.


Malaki ang magagawa ng pagpapasimple ng buhay. Lalaya tayo sa mga hindi nakakatulong na luho at gawaing nagpapahina ng isip, diwa, kaluluwa at katawan.


Sa araw-araw, sikaping bawasan ang gastos sa pamamagitan ng pagbabawas ng anumang konsumo. Tingnan natin ang ilang bagay na maaari nating bawasan:


Una, ang pag-uubos ng oras at lakas sa social media (Facebook, TikTok, YouTube atbp).

Pangalawa, ang pag-ubos ng pera sa walang saysay na gala at pasyal.


Pangatlo, ang pagsasayang ng pera sa sitsirya at softdrinks.


Pang-apat, ang pag-iwas sa paglulustay ng pera sa lahat ng bisyo (sigarilyo, alak at sugal).


At kung merong binabawasan na hindi nakakatulong at nakapagpapahina ng pananaw, pag-iisip at pagtuklas sa tama at totoo, meron namang maaaring dagdagan at palakasin, tulad ng:


Paglalakad, pagbibisikleta at pag-eehersisyo.


Pag-aaral at pagbabasa ng tama, totoo at mapanuring artikulo sa pahayagan at matinong social media.


Panonood ng debate para makilala at makilatis ang bawat kandidato.


Pagtulong na ikampanya ang matitino, malilinis at kuwalipikadong mga kandidato.


Pagsali sa iba’t ibang “Circles of Discernment” na inoorganisa ng Simbahan para tulungan ang mga botante na pumili nang maayos.


Paggamit ng social media para magpalaganap ng mga totoo at makatutulong na impormasyon para sa mabubuting kandidato at makatutulong ding impormasyon para makilala ang tunay na kulay at pagkatao ng mga hindi mabuting kandidato.


Pagsapi sa mga inoorganisang mga sektor na sumusuporta sa mabuting kandidato. At ipagpatuloy ang nabuong organisasyon para suportahan ang nilalayon ng kilusang binuo para sa kapakanan ng lahat.


Ito marahil ang hamon ng pahirap na buhay dahil sa pagtaas ng lahat ng bilihin.


Sa paghirap ng buhay dahil sa mataas na bilihin, kailangang maging simple at higit na lumaya ang buhay para sa higit na makabuluhan at malayang halalan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page