top of page

May “K” humingi ng kontrata o kasulatan ang garantor ng utang sa pagpayag sa kasunduan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 16, 2020
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 16, 2020



Ang garantor ay isang tao na nangakong sasagot sa pagbabayad ng pagkakautang ng ibang tao sa sandaling ang nangutang ay hindi na makabayad. Sa ibang panig ng kasunduan ng paggagarantiya ay mga sumusunod na karapatan ng garantor na nakapaloob sa Civil Code of the Philippines:


1. Ang garantor ay hindi maaaring singilin ng higit sa halaga ng prinsipal na pagkakautang na kanyang ginarantiyahan. Maaari siyang magbayad ng mas mababa sa prinsipal na pagkakautang, subalit hindi ng mas mataas kaysa rito.


2. May karapatan siyang hilingin na ang kontrata para sa kanyang paggagarantiya sa pagkakautang ay mailagay sa kasulatan. Ang paggagarantiya ng utang ay hindi palagay o akala lamang. Dapat ito ay hayagang sinasabi at hindi dapat na lalagpas sa estipulasyong pinagkasunduan ng mga partido sa kontrata.


3. Karapatang hindi piliting magbayad ng utang na ginarantiyahan hangga’t hindi nauubos ang mga ari-arian ng taong umutang (benefit of excussion) at hanggang hindi naisagagawa ang lahat ng legal na remedyo laban sa prinsipal na nagkautang. Maliban lamang sa mga sumusunod na sitwasyon:


a) Tinalikdan ng garantor ang benepisyong ito;

b) Kung napagkasunduan na ang garantor ay magbabayad ng utang kasama ang prinsipal na umutang;

c) Kapag ang prinsipal na umutang ay wala nang natirang anumang pag-aari;

d) Kapag ang garantor ay tumakas o hindi na makasuhan sa Pilipinas maliban lamang kung nag-iwan siya ng magrerepresenta para sa kanya;

e) Kapag sa palagay ng nagpautang na ang ari-arian ng prinsipal na umutang ay hindi sapat upang mabayaran ang utang.


4. Karapatang maabisuhan ng nagpautang sa anumang aksiyon na isinampa laban sa prinsipal na umutang.


5. Anumang kompromiso na pinagkasunduan ng prinsipal na nangutang at nagpautang ay maaaring gamitin para sa benepisyo ng garantor at hindi ng ikapapahamak nito.


6. Kapag ang garantor ang nagbayad ng pagkakautang, ang nasabing garantor ay may karapatang mabayaran ng prinsipal na nangutang ng buong halaga ng binayaran kasama ang interest, danyos para sa mga perwisyong natamo ng dahil sa kanyang pagiging garantor at sa iba pang nagastos pagkatapos niyang ipaalam sa prinsipal na nangutang na kailangan na niyang bayaran ang kanyang pagkakautang dahil sinisingil na siya ng nagpautang.


7. Ang garantor na siyang nagbayad ng pagkakautang ay may karapatang gamitin ang lahat ng karapatang meron sa nagpautang laban sa prinsipal na umutang upang kanyang mabawi ang halaga ng binayaran kasama ng lahat ng interest.


8. Karapatang hilingin sa prinsipal na nagkautang na siya ay palayain na sa pagiging garantor o humingi ng seguridad para protektahan niya ang sarili sa anumang aksiyong gagawin ng nagpautang laban sa kanya dulot ng pagiging garantor.


9. Kapag ang nagpautang ay boluntaryong tumanggap ng ari-arian o anumang bagay bilang kabayaran ng prinisipal na pagkakautang, kahit mawala ang mga ito sa kanya, ang garantor ay may karapatang mapalaya bilang garantor.


10. Kapag merong dalawa o mas maraming garantor para sa parehong pagkakautang at ang isa sa kanila ay nagbayad nito, may karapatan ang nasabing garantor para singilin ang halaga ng utang na binayaran sa kanyang mga kapwa garantor ayon sa parte ng utang na ginarantiyahan ng bawat isa. Subalit ito ay maaaring gamitin lamang kapag ang pagbabayad ng utang ay ginawa nang dahil sa merong legal na pagsingil at dumaan ito sa husgado o ang prinsipal na umutang ay wala na talagang pambayad. Kapag ang isa sa mga nasabing garantor ay pinalaya ng nagpautang na walang pagsang-ayon ang iba pang garantor, ang mga nasabing garantor ay mapapalaya na rin.


11. Ang obligasyon bilang garantor ay napapawalang-saysay tulad ng paraan ng pagpapawalang-bisa sa isang obligasyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page