May hulihan man o wala, mga motorista, ‘wag pasaway
ni Ryan Sison - @Boses | October 28, 2022
Kasabay ng paghahanda sa long holiday, inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na pansamantalang ititigil ang panghuhuli ng mga pasaway na motorista sa panahon ng Undas.
Ayon kay LTO chief Teofilo Guadiz, tututukan muna ng LTO operatives ang pagbibigay-alalay sa mga motorista.
Gayunman, nilinaw ng opisyal na kung may mabigat na paglabag sa batas-trapiko, tulad ng defective headlights at kalbong gulong ng mga sasakyan, hindi ito papayagang makabiyahe.
Inaasahang nakakalat ang mga operatiba ng LTO sa National Capital Region (NCR) at mga lalawigan hanggang Nobyembre 4 para magbigay ng alalay sa mga motorista sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos Undas 2022.
Samantala, ilang pampasaherong bus na ang nasampolan at hindi pinabiyahe dahil sa ilang paglabag, tulad ng sirang signal light, walang mga sticker ng PWD, no smoking at seatbelt, hindi nakapag-renew ng rehistro, defective reverse light, defective wiper, broken side mirror at broken window glass.
Kung tutuusin, magandang balita na walang hulihang magaganap sa panahon ng Undas, pero hindi ibig sabihin nito na malaya nang magpapasaway ang mga motorista.
Gayunman, hindi palulusutin ang mga may mabigat na paglabag, lalo na kung may kinalaman ito sa kondisyon ng sasakyan.
Tulad ng paulit-ulit nating pakiusap, huwag kalimutang may mga batas-trapiko na kailangang sundin at hindi dapat isnabin.
At paalala sa mga motorista, may nanghuhuli man o wala, pairalin ang disiplina ‘pag nasa kalsada.
Isa pa, alam n’yo ang mga dapat at hindi dapat gawin, kaya utang na loob, magkusa kayong sumunod. Malaking bagay ito upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ngayong Undas.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments