May confi funds at ‘pork barrel’ na, may Maharlika pa… Pera-pera na lang ang mga mambabatas
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 14, 2022
DEDMA SA 8% INFLATION RATE SI P-BBM—Tulad ng mamamayan ay nabahala rin sa pagsirit ng inflation rate sa 8% si Sen. Imee Marcos sapagkat kasunod nito’y patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, na aniya pa nga’y hindi na maituturing na normal.
‘Yan ang mabuti kay Sen. Imee, may reaksyon siya at ramdam ang mamamayan, samantalang ang utol niyang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dedma lang. Tsk!
◘◘◘
MAY CONFIDENTIAL FUNDS AT ‘PORK BARREL’ NA, MAY MAHARLIKA WEALTH FUND PA—Sa 2023 National Budget na mahigit P5.2 trilyon ay may malaking bahagi na napunta sa confidential funds at ‘pork barrel’ ng mga mambabatas.
Sa totoo lang, tutulan man ng publiko ang pondo ay wala silang magagawa dahil majority ng mga ‘trapo’ ang nagdedesisyon kung saan dapat mapunta ang Pambansang Budget.
Sa kabila nito, sana’y lubayan na ang pagsusulong ng Maharlika Wealth Fund, maawa sana sila sa mamamayan, lalo na sa mahihirap nating kababayan.
Puro kaperahan na lang ba talaga? Eh, ang tulong at pangangailangan ng mamamayan, natutugunan kaya nila?
◘◘◘
HINDI MAN PULITIKO, POLITICAL APPOINTEE PA RIN SI FINANCE SEC. DIOKNO—Ayon sa mga mambabatas upang hindi mabahiran ng pulitika ang Maharlika Wealth Fund, si Finance Sec. Benjamin Diokno ang itatalaga nilang head dahil hindi siya pulitiko.
Isang uri na naman ng pang-uunggoy sa mamamayan. Para sa karagdagang pang-unawa ng iba, kahit hindi pulitiko si Finance Sec. Diokno ay political appointee pa rin siya—amo pa rin niya si P-BBM, kaya kalokohan ang katwirang hindi mababahiran ng pulitika ang Maharlika Wealth Fund.
◘◘◘
I-REQUIRE SI FINANCE SEC. DIOKNO NA MAGKAROON NG CLEARANCE SA OMBUDSMAN NA WALANG KASONG GRAFT AND CORRUPTION—Kung sakaling hindi mapigilan ang Maharlika Wealth Fund at si Finance Sec. Diokno talaga ang mamumuno, dapat kumuha muna siya ng clearance sa Office of the Ombudsman, na magpapatunay na absuwelto na siya sa kasong graft and corruption na isinampa ng Stop Corruption Philippines Inc. (SCOPI).
Hindi katanggap-tanggap na ang mamumuno sa Maharlika Wealth Fund na popondohan ng gobyerno ng P275-B ay nasampahan ng kasong graft and corruption.





Comments