May community quarantine man o wala, huwag pasaway!

@Editorial | February 17, 2021
Bawal lumabas, bawal mag-party, bawal magsugal, manahimik sa bahay! Ilan sa mga kautusang ipinatutupad kontra COVID-19.
Sa mga buwan na grabe ang higpit at talagang istrikto ang community quarantine, mapapansing bumaba ang krimen. Talagang napigilan pati ang paglabas ng mga pasaway.
Batay sa ulat ng Philippine National Police, bumaba ng 49.20 percent ang bilang ng mga index crime na naitatala sa bansa. Kabilang sa index crimes ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft at carnapping.
Kung ikukumpara sa 5,124 na index crime noong Enero 2020, bumaba umano ito sa 2,603 ngayong Enero 2021.
Bukod sa limitasyon sa paglabas ay nakita rin natin ang masigasig na pagpapatupad ng batas, mula sa mga taga-barangay hanggang sa kapulisan.
Nag-iikot ang mga barangay officials at kaliwa’t kanan din ang mga checkpoint. Bantay-sarado rin ang mga establisimyento laban sa anumang banta ng gulo.
Makikita rin ang pagsunod at pakikipagkooperasyon ng taumbayan, hindi lang dahil sa ayaw mahuli o magmulta kundi para makaiwas sa nakamamatay na virus.
Ang tanong, kung nagawang mapababa ng community quarantine ang krimen, hindi ba ito kaya kahit magluwag na ang sitwasyon?
Hindi ba kayang sumunod sa mga batas na ipinatutupad? Hindi ba kayang umiwas sa gulo o masangkot sa krimen?
Kung nagawa natin sa gitna ng lockdown, ibig sabihin ay hindi imposible, disiplina at pagiging responsable lang ang kailangan.



Comments