top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Matinding clearing operations M. Mla, dapat lang!

BULGAR
Jan 7, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 7, 2023

Mahigpit na clearing operations ang ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga Mabuhay Lanes at iba pang mga kalsada sa Metro Manila.


Ito ang pangunahing tinalakay sa ginawang pagpupulong ng MMDA sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).


Ayon kay MMDA General Manager Procopio Lipana, tutulong ang PNP para sa kanilang clearing operations dahil kulang ang kanilang mga tao.


Gayundin, nakipag-ugnayan na sa iba’t ibang barangay officials ang ahensya para sa pagpapaluwag ng mga pampublikong kalsada upang maging ligtas sa mga motorista at pedestrian.


Samantala, maglalabas din umano ng memorandum circular ang DILG na nag-aatas para sa coordinated clearing operations ng mga ahensya, barangay at kapulisan.


Batid nating maganda ang layunin ng mahigpit na clearing operations, pero bago ang lahat, siguraduhing may koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at handa ang lahat ng ating tauhan.


Naniniwala tayong panahon na para ibalik sa taumbayan ang kalsada.


Kaya numero-uno nating panawagan sa mga kinauukulan, tiyaking hihigpitan ang clearing operations, lalo na sa mga kalsadang nagmistulang garahe dahil sa dami ng naka-park.


Idagdag pa ang mga establisimyento na inangkin ang kalsada at ginagamit para sa sariling pakinabang.


Kung kinakailangang parusahan ang mga pasaway na ito, gawin na para magtanda at hindi tularan ng iba. Marahil ay mabisang paraan ito para ipaalala sa lahat na ang mga kalsada ay para sa taumbayan at sila ang dapat makinabang.


Dapat lamang na maayos at maluwag ang mga kalsada, lalo na ngayong mas maraming motorista ang balik-kalsada.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page