top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Maternity Benefits sa mga nasa informal sector at walang SSS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 29, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 29, 2023



Nararapat din sa maternity benefits ang mga kababaihan na nasa informal sector economy, at ‘yung mga hindi miyembro ng Social Security System (SSS).


Sa deklarasyon nito, ibinigay ng Commission on Human Rights (CHR) ang buong suporta nito sa agarang pagpasa sa batas ng Senate Bill No. 148, o ang Maternity Benefit for Women in the Informal Economy Act, na magtitiyak sa proteksyon ng lahat ng kababaihan anuman ang kanilang mga background.


Samantala, kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at commodities, sinabi ng CHR na ang lahat ng Pilipino, kabilang ang mga buntis, ay nahihirapang tustusan ang kanilang pamilya.


Dagdag ng CHR, ang mga informal sector ay may malaking kontribusyon sa ekonomiya dahil umabot sa 12.8% ang gross domestic product (GDP) ng bansa noong 2019.


Sa pamamagitan ng SB 148, sinabi ng CHR na ang mga kababaihan sa informal sector, kasama ang kanilang mga anak, ay makakatanggap ng parehong tulong katulad ng mga nasa formal sector.


Kaya bilang suporta sa SB 148, nag-alok ang CHR na buksan ang pinto nito para sa konsultasyon. Inaasahan din nito ang buong suporta ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa pagpasa ng panukalang batas.


Tama lang na isama ang mga kababaihan na nasa informal sector dahil sa hirap ng buhay ngayon, pati mga buntis ay napipilitan na ring magtrabaho.


Karamihan sa mga informal sector, sa kasamaang palad ay hindi napoprotektahan at kulang sa suporta ng gobyerno, kaya’t magandang balita kung agad itong maisasabatas.


Sana, sa pagpasa ng bill na ito ay tiyakin ng ahensya na suriing mabuti at piliin ang mga kababaihang nararapat talagang bigyan ng maternity benefits.


Hiling din natin na magtuluy-tuloy ang tulong sa mga kababaihan dahil hindi biro ang magbuntis at hirap na kanilang pinagdaraanan mapanatili lang na ligtas ang sanggol sa kanilang sinapupunan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page