Mataray at suplada raw, kinatatakutan… HILDA, NAGWO-WALKOUT SA SHOOTING ‘PAG LATE ANG CO-STAR
- BULGAR

- Apr 24, 2025
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Apr. 24, 2025
Photo: Hilda Koronel - IG
Dahil isa si Hilda Koronel sa mga itinuturing na magaling na aktres sa Philippine Cinema, anytime na gusto niyang gumawa ng pelikula ay may puwang siya sa showbiz.
Maraming movie producers ang interesadong kunin siya upang magbida sa kanilang pelikula.
Kahit matagal siyang nagpahinga sa pagharap sa kamera ay hindi bumababa ang kanyang stature bilang aktres. Mataas pa rin ang ibinibigay na talent fee (TF) kay Hilda at nasusunod ang kanyang mga demands.
Namimili rin ang aktres ng project na gusto niyang gawin. At isa na nga rito ay ang Sisa, kaya siya umuwi ng ‘Pinas para gawin ang pelikula.
At kahit madalang na siyang lumabas sa pelikula, marami pa rin ang nag-aabang sa kanyang mga projects dahil may kakaibang tatak ang kanyang mga ginagawa.
Marami nga ang nanghihinayang dahil hindi natuloy ang movie na pagsasamahan sana nila ng yumaong Superstar/National Artist na si Nora Aunor. Gustung-gusto pa naman ni Hilda na makatambal si La Aunor.
Pagdating sa trabaho ay very professional si Hilda Koronel. Dumarating siya sa set on time kaya kapag may co-stars siyang nale-late sa call time, talagang nagwo-walkout siya.
Minsan kasi ay 6 na oras siyang pinaghintay sa set ng isang artista kaya nilayasan niya ang shooting. Kaya marami ang natatakot na siya ay makasama sa trabaho, mataray daw kasi si Hilda Koronel at suplada.
KABADO raw si Kyline Alcantara sa kanyang role sa bagong revenge serye ng GMA, ang Beauty Empire (BE).
Dito ay kasama niya sina Ms. Gloria Diaz, Ruffa Gutierrez at Barbie Forteza. Challenging ang role na gagampanan ni Kyline bilang kontrabida.
Ganunpaman, handa naman si Kyline na ibuhos ang kanyang kakayahan sa pag-arte sa BE. Alam niya na mataas ang expectation sa kanya ng lahat at hindi siya nagpapatalo sa mga kaganapan ngayon sa kanyang love life.
Maraming fans ni Kyline ang natutuwa na magiging busy ang kanilang idolo sa bago nitong serye. Makakapag-focus siya sa trabaho, at wala nang panahon upang malungkot sa breakup nila ni Kobe Paras.
Makakatulong din ang pagiging abala ni Kyline upang madali siyang maka-move on kung sakaling totoo ngang hiwalay na sila.
Payo pa kay Kyline ng kanyang mga loyal fans ay huwag niyang sayangin ang magagandang oportunidad na dumarating sa kanya. Malayo pa ang mararating ng kanyang career, ipahinga muna niya ang kanyang puso.
Busy sa kampanya…
SEN. LITO, NO SHOW SA BUROL NI NORA
SAYANG at hindi nakadalaw si Sen. Lito Lapid sa wake ng Superstar na si Nora Aunor.
Marami pa namang Noranians ang naghihintay kay Sen. Lapid dahil isa siya sa mga nakapareha ni La Aunor sa pelikula.
Dumating sa burol sina Tirso Cruz III, Boyet de Leon, Cocoy Laurel, Juan Rodrigo, Manny de Leon at dating Pangulong Erap Estrada na nakapareha ni Aunor sa pelikula.
Naging leading man ni Nora Aunor si Sen. Lito noon sa pelikulang Kastilyong Buhangin (KB) na idinirek ni Mario O’Hara noong 1980. Nasundan ito ng pelikulang Gaano Kita Kamahal (GKK) na ginawa nila noong 1981.
Well, naging abala si Sen. Lapid sa kanyang pag-iikot sa Ilocos noong yumao ang Superstar. At gustuhin man niya na damayan ang mga anak nito ay hindi niya magawa.
Pero, nagpahatid naman si Sen. Lapid ng mensahe ng pakikiramay sa mga naulila ng Superstar.
Samantala, labis na ikinatuwa ni Sen. Lapid ang pagkakapasok niya sa Top Rank No. 3 sa latest survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) noong April 1 to April 15.
Dati-rati ay nasa Top 18 ranking siya sa mga surveys.
Nangangako si Sen. Lito Lapid na sakaling siya ay lumusot muli ay tututukan niya ang mga batas na makakatulong sa pangangailangan ng mahihirap nating kababayan tulad ng edukasyon, trabaho, kalusugan, pagkain, turismo at mga pangangailangan ng mga senior citizens.
Sakaling palarin sa darating na midterm election, bale pang-apat na termino na ni Lito Lapid bilang senador.










Comments