Matalino, madiplomasya at may karismang lider, ‘yan ang kailangan ng mga Pinoy

ni Ka Ambo - @Bistado | November 6, 2020
Taliwas sa mga nakaraang panahon, wala pa ring malinaw na resulta ang US presidential elections.
Nganga ang mga ‘Kano!
◘◘◘
Makikita ang kahinaan ng U.S. government.
Mahina kontra virus, mahina laban sa normal na halalan!
◘◘◘
Kapag tinoyo si US President Donald Trump, matutulad ang U.S. sa USSR.
Magkakawatak-watak ito sa iba’t ibang republika!
◘◘◘
Alin ang unang guguho, U.S. o Mainland China?
Tulad sa U.S., may lihim na power play sa loob ng Beijing.
Maaaring bigla na lang itong sumabog!
◘◘◘
Walang permanenteng bagay sa ibabaw ng lupa—maliban sa pagbabago.
Ibig sabihin, kung paanong nagsiguho ang mga naunang dambuhalang gobyerno—‘yan din ang kauuwian ng U.S. at China, wala nang iba pa!
◘◘◘
Maselan ang akusasyon sa mga kongresistang hinihinalang komunista.
Malinaw ang batas d’yan.
Maaaring magsulong ng anumang ideolohiya—pero dapat walang armas o madugong pagbabago!
◘◘◘
Ang lahat ng ideolohiya ay patungo sa kapakanan ng nakararami.
Nagkakaiba lamang ito sa aktuwal na pamamaraan.
Ibig sabihin, hindi dapat gumagamit ng madugong pakikibaka ang sinumang nagsusulong ng ideolohiya!
◘◘◘
Ang mga ideolohiyang ito—ay maaaaring ipasok, isingit o isama sa loob ng Konstitusyon.
Ito ay upang masaipormal o maisalegal ang mismong ideolohiya!
◘◘◘
Ang ideolohiya ay naghunos mula sa sinaunang paniniwala sa diyos o kakaibang ideya kung sino ang may control sa balat ng lupa.
Mula sa mitolohiya, isinilang ang relihiyon at mula sa relihiyon—nabuo ang ideolohiya!
◘◘◘
Nagkakagulo lamang dahil ang pamamaraan ay madugo—pero kung mapayapa—anumang ideolohiya ay maaaring ipasok o pagsanibin sa loob ng iisang Konstitusyon.
Ang Konstitusyon ay instrument upang maisanib sa iisang direksiyon ang mithiin o adhikain ng bawat pangkat, lahi, dugo at angkan!
◘◘◘
Kailangan natin ay matalino, madiplomasya at may karismang lider upang makabuo ang mga Pinoy—ng iisang ideolohiya na hindi kinopya sa mga dayuhan o ibang lahi.
Kung paano ito isasagawa—nananatiling malalim na palaisipan!





Comments