Masuwerteng pandispley sa bahay base sa elementong kailangan ng mag-asawa sa pagsasama
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 21, 2021
Dear Maestro,
May nabili kaming bahay at ipina-renovate naming mag-asawa at ngayon, medyo matatapos na, kulang na lang ay pintura at kaunting dekorasyon sa harapan. Ano ang magandang kulay sa loob, labas at bubong ng aming bahay at ang magandang pandispley sa harap? Mayroon kasing bakanteng lupa o frontage, pero wala kaming maisip ilagay at kapag tapos na tapos na ang ipinagagawa naming bahay, balak naming lumipat sa Oktubre or Nobyembre ngayong taon, favorable ba sa amin ang buwan na ‘yun at anong petsa at araw magandang lumipat? April 20, 1974 ang birthday ko, habang September 16, 1969 naman ang asawa ko.
Umaasa,
Cecil ng Balubaran, Malinta, Valenzuela City
Dear Cecil,
Ayon sa Chinese Astrology, ang taon ng iyong kapanganakan na 1974 ay nasasakupan ng elementong wood o kahoy, habang ang taong 1969 naman ng iyong mister ay under sa elementong earth.
Kung saan ang prinsipyo sa Chinese o Oriental Astrology, kailangan palaging balanse ang kapalaran at kapaligiran, kaya ang karaniwang itinatanong ay, “Anong elemento ang kulang sa iyong buhay?” Kapag nalaman mo ang sagot dito, ito ang dapat mong idagdag para magkaroon ng “harmony” upang matamo ang maligaya at maunlad na tahanan.
Sa kaso n’yong mag-asawa, dahil ikaw ay Wood Tiger habang ang mister mo ay Earth Rooster, ang kailangan n’yong elemento upang makumpleto ang inyong pagsasama ay ang water, fire o metal.
Kaya ang maaaring ipandispley sa harapan ng inyong bahay na palaging natatanaw — sadya man o hindi — tuwing dadaan kayo sa inyong bakuran upang pumasok ay maaaring bagay na metal.
Kung bagay na metal, maghanap ka ng dalawang metal na nakatayo o pigura ng lalaki at babae na mahigpit na magkayakap na waring naghahalikan. Sa ganyang paraan, tuwing matatanaw n’yong mag-asawa ang nasabing pigura, lalong titibay ang inyong pagmamahalan.
Kung fire naman ang elementong maisip n’yong idagdag, mag-display kayo sa harapan ng inyong bahay ng pigura na nakatayong nilalang na walang damit, pero may pakpak sa paa (ito ang pigura ni Mercury) na may hawak na sulo. Ang sulo na hawak ng nakataas na kamay ay panatilihin n’yong may sinding apoy araw-araw.
‘Yung tipong “olympic torch” na sinisindihan sa tuwing may Olympic games. Ang kaibahan lang ng pandispley na nabanggit na maaaring yari sa metal o bato, tulad ng nasabi na, “Panatilihing may sindi o apoy ang hawak na sulo ni Merkuryo.” Sa ganyang paraan, mananatili ang init at ningas ng inyong pagmamahalan at magiging mabilis ang pagdating ng dagdag na salapi at kayamanan sa inyong pamilya.
Kung ang mapipili n’yo naman ay elemento ay tubig, maghanap kayo ng pigura ng dalawang batang lalaki o isang batang lalaki at babae na walang damit na umiihi at ang tubig na ibinabagsak ng ihi ay tumatama naman sa mga berdeng halaman sa munting lagoon na mala-bilog sa harap ng inyong bahay na puno ng mga halamang lotus o mga halamang tubig na mala-bilog ang dahon. Sa ganyang paraan, ang maalab at maligayang pagmamahalan ay hindi mawawaglit sa bawat miyembro ng inyong pamilya.
Kung ang zodiac sign mo namang nasa pagitan ng Aries at Taurus at zodiac sign na Virgo ng mister mo ang tatanungin (kapwa kayo earth type sign), tama ang buwan ng Oktubre hanggang Nobyemre sa paglipat ng bahay, sapagkat ang nasabing mga buwan ay nasasakop ng zodiac sign na “water”, na siya ring elementong kailangan ng zodiac sign n’yong earth o lupa upang magpatuloy ang maunlad at masaganang samahan.
Habang isaalang-alang ang petsang 27, na siyang petsa kapag pinagsama ang birth date mong 20, na may sumatotal na 2 at birth date na 16 ng mister mo na may sumatotal na 7. Bukod sa mga petsang may sumatotal na 9, 18 at 27, puwede ring isaalang-alang ang mga petsang 1, 10, 19 at 28, bilang pagpapatibay sa inyong relasyon ng elementong araw na siya namang sumisimbolo ng “great provider” o tagapagbigay ng lahat ng pangangailangan dahil sa taglay na init at liwanag ng nasabing buntala.
Upang higit na makumpleto at mas maging maligaya ang inyong pamilya sa paglipat ng bahay, hangga’t maaari, itaon ang paglipat sa panahong nasa first quarter, new moon o full moon ang buwan, upang patuloy din sa paglaki at pagbulas ang mga biyaya at pagpapalang darating sa inyong pamilya sa lilipatang bahay.
Mapalad namang kulay ang lahat ng hibo o shade ng green para sa labas at loob ng bahay, habang pula at lahat ng shade naman ng pula tulad ng pink ang masuwerte sa bubong.
Huwag ding kalilimutang ipa-blessing sa pari o sinumang alagad ng kinaaaniban n’yong relihiyon ang bahay na inyong lilipatan upang mapanatili sa kanyang kapaligiran ang positibong enerhiya na magdadala ng suwerte at mapanatili rin sa bawat miyembro ng pamilya ang mabait at maka-Diyos na mag-anak, na siya namang magdadala ng pagkakasundo, pagmamahalan at panghabambuhay na kaligayahan.




Comments