Masusubukan ang inspiradong Malditas vs. Nepal sa q'fying
- BULGAR
- Sep 18, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 18, 2021

Kukunin ng Philippine Women’s Football National Team ang unang hakbang patungong 2022 Asian Football Confederation (AFC) Women’s Asian Cup sa kanilang laban sa qualifiers kontra sa #101 Nepal ngayong 6:00 p.m., mula sa JAR Stadium ng Tashkent, Uzbekistan.
Ayon kay Coach Marlon Maro, nagsimula ang kanilang paghahanda noong Enero sa pamamagitan ng online. Galing ang Malditas sa matagumpay na laro sa California at mula roon ay lumipad na sila patungong Uzbekistan.
Huling sumabak sa aksyon ang mga Pinay noong 2019 SEAG. Kahit walang laro ng mahigit isang taon, nakapaglaro sila sa mga koponan sa U.S. at nagpakita ng pag-unlad sa kalidad ng laro.
Matapos ang Nepal ay haharapin ng Pilipinas ang #78 Hong Kong sa Setyembre 24 sa parehong oras at lugar. Bago noon, maglalaro ang Nepal at Hong Kong sa Setyembre 21.
Ang pagpasok sa 2022 Asian Women’s Cup sa Enero sa India ay mahalaga para sa layunin ng Malditas na makalaro sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand. Mas pinalawig ng FIFA ang torneo sa 32 mula sa dating 24 bansa at dahil dito, nadagdagan ng isang tiket ang Asya na may anim na kinatawan mula sa dating 5.
Matatandaan na nabitin ang Pilipinas na makapasok sa 2019 Women’s World Cup sa Pransiya matapos yumuko sa Timog Korea, 5-0, para sa 5th place sa 2018 Women’s Asian Cup sa Jordan. Iyon ang inspirasyon ng Malditas para makabawi at bumalik sa Women’s Asian Cup sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Samantala, umakyat ang Philippine Azkals ng tatlong antas sa FIFA Ranking para sa Setyembre. Nasa #125 na ang mga Pinoy galing sa #128.





Comments