Master initiator, kakanta.. 7 suspek sa Salilig-hazing slay, kulong na

ni BRT | March 3, 2023

Pito na sa mga diumano’y suspek sa pagkamatay ni John Matthew Salilig ang inaresto at nakakulong na sa PNP custodial facility sa Biñan, Laguna.
Anim sa kanila ang nauna nang inimbitahan bilang persons of interest at kasama na ngayon sa mga inaresto ang tatay ng isa sa mga miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity dahil sa obstruction of justice nang subukan umano nitong pigilan ang operasyon ng pulis sa kanilang bahay sa bisa ng search warrant.
Naunang inimbitahan sa presinto ang mga persons of interest para sa ilang clarificatory questions kaugnay sa imbestigasyon hanggang sa lumutang ang isa ring biktima at pinagtuturo ang mga suspek na mga sangkot umano sa pag-hazing sa kanila at naging sanhi ng pagkamatay ni Salilig.
Ayon kay Biñan acting chief of police P/Lt. Col. Virgilio M. Jopia, tatlo ang naging opsyon ng fraternity: una ay iwanan sa ospital ang biktima ngunit hindi ito pinili dahil mate-trace umano sila at puputok ang sitwasyon. Pangalawa, sunugin ang bangkay at pangatlo ay ang kanilang ginawa na ilibing na lamang ito.
Pasado ala-1 ng madaling-araw kahapon nang nakabalik sa istasyon ng PNP sa Biñan mula sa medical exam ang diumano’y mga suspek. Tumanggi naman silang magbigay ng pahayag.

Kaugnay nito, hawak na ng pulisya bilang ebidensya ang forensic results kagaya ng autopsy, CCTV footage at mga witness.
Sumuko na rin ang master initiator at handa umano siyang ituro kung sino ang nag-utos na ilibing si Salilig.
Pinuntahan din ng mga awtoridad ang bahay kung saan umano ginawa ang initiation rites kay Salilig at tatlo pa nitong kasama.
Doon ay itinuro ng testigo na isa ring nagrereklamo ngayon kung saan sila nakaranas ng hirap sa initiation rites.
Nasa 10 pang persons of interest ang tinitingnan ng pulisya na sangkot din umano sa pagkamatay ni Salilig.





Comments