Masinop na asawa, dapat makatuluyan ng isinilang sa Year of the Dragon para umasenso
- BULGAR
- Jan 12, 2023
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 12, 2023
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga pangunahing katangian at kapalaran ng animal sign na Dragon.
Ang Dragon ay silang mga isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012 at 2024.
Bagama’t maraming kaibigan ang mga Dragon, hindi lahat ng kaibigan niya ay tunay dahil may mga huwad at manloloko rin siyang kaibigan. Pero batid ng Dragon kung sino ang mga tapat niyang kaibigan, kaya sa paglakad ng panahon, unti-unting nababawasan ang pakikipagkaibigan ng Dragon. Puwede ring sabihin na nagbabawas siya ng kaibigan, hanggang sa matira ang mga tapat at maaasahan na kaibigan.
Sa sandali namang nasuong sa panganib ang buhay ng kaibigan niya, dahil ang Dragon ay maawain at mapagkawang-gawa, siguradong ililigtas niya ang naturang kaibigan na nasa bingit ng kapahamakan kahit ang magiging kapalit nito ay ang sarili niyang kaligtasan.
Minsan ay ganundin naman ang attitude ng mga Dragon sa kanilang buhay at pakikipagsapalaran sa mundong ito— isinusugal ang kanyang kaligtasan kapag gustong-gusto niyang gawin o makamit ang isang bagay dahil bukod sa pagiging matulungin, ang mga Dragon ay nagtataglay din ng kakaibang tapang at pambihirang lakas ng loob.
Sabi nga, “The Dragon is sure to rush into those numerous places where even angels fear to tread.”
Dagdag pa rito, sinasabi ring bihira sa mga taong isinilang sa Year of the Dragon ang hindi nagtatagumpay sa anumang gawain na kanilang nakalokahan dahil sa unang araw pa lang ng kanilang pagsilang, binalot na sila ng langit ng suwerte at magandang kapalaran.
Ang problema lamang, bagama’t minsan ay may suwerte ang mga Dragon, ang pagkakataong ito ay kanilang nasasayang dahil naiuukol nila ang kanilang resources, husay at galing sa walang kapararakan o walang kabuluhang mga bagay.
Pero kung ang Dragon ay makakapag-asawa ng masinop na Daga o tusong Ahas na titipirin at itatago ang kanyang suwerte, tiyak na siya ay hindi lang yayaman kundi marami siyang maiipon at maipupundar na kabuhayan.
Hindi kasi puwedeng manatiling nag-iisa ang Dragon sa buhay o hayaan na lang siyang nagdedesisyon o nagma-manage ng kanyang kabuhayan dahil sa simula lang ito maganda, pero kapag tumagal ay sasayangin lang din niya ang materyal na bagay na darating sa kanya, hanggang sa bandang huli ay tuluyan din itong masimot at maubos.
Kaya ang matatag, masinop at nagpupundar para sa pamilya ang magiging papel ng kanyang mapapangasawa. Sa ganu’ng paraan, tatamasahin ng Dragon ang panghabambuhay na kasaganaan at ligaya, partikular sa aspetong pananalapi at materyal na bagay.
Sabi nga sa aklat na Chinese Elemental Astrology ni E.A. Crawford, “Although the Dragon is entrepreneurial and pioneering, his road to fortune is sure to be marked be both great success and spectacular failure.”
Ibig sabihin, bagama’t pinagkalooban ang mga Dragon ng kakaiba at pambihirang tagumpay, lalo na sa negosyo at materyal na bagay kung saan kahanga-hanga ang kanyang suwerte at magandang kapalaran, kapag sumablay, kagulat-gulat din ang pagbagsak ng kanyang kabuhayan.
Kaya tulad ng nasabi na, kung ikaw ay Dragon, maraming hindi inaasahang suwerte na darating sa iyong buhay, hindi lang maliit kundi malalaki talaga. Pero ang pinakamainam mong magagawa sa mga suwerteng ipagkakaloob sa iyo ng langit ay alagaan, tipirin at palaguin mo ang mga ito. Ibig sabihin, huwag mong aksayahin dahil sa ganu’ng paraan, tulad ng nasabi na, sa panahon ng iyong pagtanda ay mapapanatili mo ang asensado, marangya at masarap na pamumuhay sa piling ng iyong mga anak at magiging mga apo.
Samantala, sinasabing maraming lantad at lihim na tagahanga ang mga Dragon. Kumbaga, hindi lang likas na suwerte ang taglay ng kanilang personalidad kundi taglay din nila ang mapang-akit na awra, kaya maraming nagkakagusto sa kanila nang hindi naman nila gaanong pinapansin dahil minsan, ang Dragon ay may pagka-isnabera o suplada, pero sa kaibuturan ng kanilang mga puso, sila ay natural na mabait.
Karamihan din sa mga Dragon ay mahusay mangumbinsi kung gugustuhin talaga nila, kaya kahit ano ang ialok nila — halimbawa, nag-alok sila ng lupa na nasa gitna ng ilog, basta ginusto nila itong maibenta, tiyak na maibebenta nila ito at hindi lamang ‘yung lupa sa gitna ng ilog ang maipagbibili nila dahil makakabenta pa sila ng bangka.
Ang kahusayang ito sa pag-aalok ng Dragon ay maaari niyang magamit sa mga career na may kaugnayan sa pagkumbinsi sa mga tao tulad ng pulitiko. Puwede rin siyang maging trader, kung saan babaratin niya ang mga kalakal at maibebenta niya ito nang mahal. Gayundin, puwede sa kanya ang mag-ahente ng lupa at maging leader o humawak ng mga tao dahil tiyak na madali niyang mapapasunod ang mga ito sa kanyang mga plano o kagustuhan.
Itutuloy








Comments