Mas pinadali, pinabilis at pinasimple na ang transaksiyon sa SSS
@Buti na lang may SSS | June 27, 2021
Dear SSS,
Ako ay self-employed member ng SSS. Nais kong maging tuluy-tuloy ang aking pagbabayad ng kontribusyon, subalit natatakot akong magpunta sa sangay ng SSS dahil sa banta ng COVID-19. Mayroon bang paraan upang makapagbayad ako ng aking kontribusyon sa pamamagitan ng online? – Larry ng Taguig
Sagot
Maaari kang makapagbayad ng iyong kontribusyon sa pamamagitan ng mga online payment channels ng SSS. Noong 2018 nang inilunsad ang SSS mobile app na maaaring i-download ng libre sa App Store, Google Play Store o Huawei AppGallery gamit ang iyong smartphone o Android tablet o cellphone. Layunin nitong maging mas maginhawa ang pagbabayad ng kontribusyon ng mga miyembro. Bahagi rin ito ng aming kampanya sa ilalim ng ExpreSSS — mas pinadali, pinabilis at pinasimpleng transaksiyon sa SSS. Patuloy na sinisikap ng aming ahensya na maging available ang mga online payment channels nito sa pamamagitan ng ating mga bank, non-bank bank partners para sa iba’t ibang uri ng transaksiyon sa SSS sa kapakanan ng mga miyembro at employer.
Ang mga individual paying members tulad ng self-employed, voluntary at overseas Filipino workers (OFWs) ay maaaring magbayad ng kontribusyon gamit ang kanilang PayMaya at BPI account sa pamamagitan ng SSS Mobile App.
Kinakailangan lamang na ikaw ay nakarehistro at may account sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Upang magamit naman ang SSS Mobile App, kinakailangan mo itong i-install sa iyong smartphone.
Larry, para makapagbayad ka ng iyong kontribusyon, kailangan mo munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaari kang makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangan mong mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.
Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen. Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang mga hinihinging impormasyon tulad ng type ng membership mo, gayundin ang buwan at halaga ng babayarang kontribusyon. Kapag naibigay mo na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap mo ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari mo itong i-download bilang PDF o di kaya’y magtuloy na sa pagbabayad.
Dahil mayroon ka nang PRN, maaari ka ng magbayad. I-tap mo ang “Pay.” Lalabas sa screen ang payment methods. Maaari kang mamili sa pagitan ng PayMaya at BPI. Tiyakin mo na mayroon kang existing account sa iyong napiling online payment channel.
Kung PayMaya ang nais mong gamitin, i-tap mo ang “Pay with PayMaya Account”. Suriin mo ang detalye ng iyong babayaran bago i-click ang “OK”. Mag-log in ka sa iyong PayMaya account details. Ipadadala sa iyong mobile number ang one-time pin (OTP). Ilagay mo ang iyong OTP at i- click ang “Proceed”. Tiyakin mong tama ang payment details bago i-click ang “OK”. Kapag naproseso na ang pagbabayad, may lilitaw na kompirmasyon ng iyong transaksiyon.
Samantala, kung pinili mo naman ang BPI, i-tap mo ang “BPI” at sunod mong i-tap ang “OK” at “PROCEED”. Dadalhin ka nito sa authentication page ng BPI. Kinakailangan mong mag-log in gamit ang iyong credentials sa BPI at piliin kung aling BPI account ang gagamitin mo. Magpapadala ang BPI ng anim na numero bilang OTP sa iyong mobile number at ilagay ito sa blankong espasyo sa BPI site upang makumpleto ang proseso ng iyong pagbabayad. Kung naging matagumpay ang iyong pagbabayad, makikita mo ang isang notipikasyon sa iyong screen kung saan nakalagay ang petsa at oras ng pagbabayad, PRN, binayarang buwan, halaga ng ibinayad na kontribusyon, at transaction reference number. Kakaltasan din ng P15 convenience fee ang iyong BPI account sa bawat matagumpay na transaksiyon.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.



Comments