top of page
Search
  • BULGAR

Mas pinabilis at safe na pagbabayad ng kontribusyon sa SSS, alamin!

@Buti na lang may SSS | April 18, 2021


Dear SSS,


Ako ay self-employed member ng SSS. Nais kong ituluy-tuloy na mahulugan ang aking kontribusyon sa SSS. Ngunit dahil sa ipinatutupad na community quarantine ay hindi ako makapunta sa inyong branch para magbayad ng kontribusyon. Mayroon bang paraan upang makapagbayad ako ng SSS contributions gamit ang aking bank account? – Donna ng Laoag City


Sagot


Nais naming ibalita sa iyo na maaaring makapagbayad ng kontribusyon nang hindi umaalis ng tahanan. Hindi natin maipagkakailang ang Pilipinas ang tinaguriang texting capital of the world at karamihan ng mga Pilipino ay gumagamit ng mobile phone kabilang ang smartphone. Kaya, dinevelop ng SSS ang SSS Mobile App upang mabigyan ang mga miyembro na madali at mas ligtas na paraan ng pakikipagtransaksiyon sa SSS.


At isa sa mga transaksiyon na maaaring maisagawa gamit ang SSS Mobile App ay ang pagbabayad ng buwang kontribusyon. Kamakailan, inanunsiyo ng SSS na maaari ng magamit ng miyembro ang kanilang BPI account sa pagbabayad ng kontribusyon sa pamamagitan ng SSS Mobile App.


Ang mga miyembro na kabilang sa kategoryang self-employed, voluntary at overseas Filipino workers (OFWs) ay magagamit ang kanilang existing BPI accounts sa pagbabayad ng kontribusyon.


Upang magamit ang SSS Mobile App, kinakailangang naka-install ito sa iyong smartphone. Kung wala pang nasabing app, magtungo lang sa App Store, Play Store o Huawei App Gallery upang i-download ito nang libre. Dapat din tiyaking nakapagreshistro na sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph).


Upang makapagbayad ng iyong kontribusyon, kailangan munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa gagawing pagbabayad. Maaaring makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangan lang mag-log in sa SSS gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.


Sunod, i-tap ang “Generate PRN/SOA” icon na makikita sa mobile screen. Matapos nito, i-tap ang “Create” at punan ang hinihinging impormasyon tulad ng type ng membership, gayundin ang buwan at halaga ng babayarang kontribusyon. Kapag naibigay na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari itong i-download bilang PDF o magtuloy na sa pagbabayad.


Dahil mayroon nang PRN, maaaring magbayad ng iyong kontribusyon. I-tap ang “Pay.” Lalabas sa screen ang payment methods at piliin ang “BPI.” I-tap mo ang “OK” at sunod ang “PROCEED.” Dadalhin ka nito sa authentication page ng BPI. Kinakailangang mag-log in gamit ang iyong credentials sa BPI at piliin kung aling BPI account ang gagamitin mo. Magpapadala ang BPI ng anim na numerong One-Time PIN sa iyong mobile number at ilagay ito sa blankong espasyo sa BPI site upang makumpleto ang proseso ng iyong pagbabayad.


Kung naging matagumpay ang pagbabayad, makikita ang notipikasyon sa iyong screen kung saan nakalagay ang petsa at oras ng pagbabayad, PRN, binayarang buwan, halaga ng ibinayad na kontribusyon, at transaction reference number. Kakaltasan din P15 convenience fee ang iyong BPI account sa bawat matagumpay na transakayon.



◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page