Mas matinding El Niño, paghandaan
ni Ryan Sison @Boses | July 8, 2023
Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na may posibilidad na tumaas ang temperatura sa susunod na taon at maaari pang maitala bilang isa sa pinakamainit na taon dahil sa El Niño.
Ayon kay PAGASA climate monitoring chief Ana Liza Solis, kung magtatagal ang El Niño maaaring itong taong 2024, ang isa sa pinakamainit na taon na maitala kapag mayroong ganitong climate pattern.
Paalala ng opisyal na ang mga may kondisyon sa kalusugan ay dapat mag-ingat laban sa mataas na temperatura.
Pinayuhan din niya ang publiko na magtipid ng tubig at suriin kung sakaling may mga tagas ang kanilang mga gripo, gayundin upang makatipid ng enerhiya.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang mahinang El Niño, na maaaring magresulta sa dry spell o tagtuyot sa susunod na dalawang buwan.
Sinabi rin ni Solis na malamang na mangyari ang pagbabawas ng pag-ulan sa bansa, at kung ito aniya ay magtatagal, mataas na temperatura ang mangingibabaw, lalo na sa susunod na taon.
Batay sa PAGASA, ilang lugar sa Luzon ay nakararanas na ng dry spell, habang 36 pang probinsya sa buong bansa ang inaasahang tatamaan ng dry spell sa Disyembre.
Gayundin, ang katamtamang El Niño ay makikita sa pagtatapos ng 2023. Mayroong 86% probability na magiging katamtaman ang El Niño sa pagitan ng Nobyembre 2023 hanggang Enero 2024.
Saad pa ni Solis, posibleng maranasan ang peak o moderate hanggang matinding El Niño ay mula Disyembre hanggang Pebrero habang aniya, may 50 hanggang 56% ang posibilidad na maging malakas ang phenomenon.
Sa muling pagpasok ng El Niño sa ating bansa, ngayon pa lang, dapat na natin itong paghandaan.
Hindi biro ang matinding init na maaari nating maranasan na puwedeng makaapekto nang husto sa ating kalusugan.
Marahil, kailangan nating alamin ang mga dapat gawin upang makaiwas sa matinding epekto sa atin na idudulot ng El Niño.
Maglabas din sana ang kinauukulan ng mga impormasyon o mga preventive measures na makatutulong sa taumbayan.
Maraming na tayong naranasang kalamidad, pandemya at iba pang pagsubok, at kung sama-sama natin itong haharapin tiyak na malalapasan din natin lahat ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments