Mas maraming komyuter, makikinabang sa pinaagang 24/7 libreng sakay sa EDSA
ni Ryan Sison - @Boses | November 17, 2022
Mas matagal nang mapakikinabangan ang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel.
‘Yan ay dahil pinaaga ang simula ng magdamagang libreng sakay, kung saan sa halip na Disyembre 15, sisimulan ng Department of Transportation (DOTr) sa Disyembre 1 ang 24/7 na libreng sakay sa EDSA Bus Carousel hanggang Disyembre 31.
Matatandaang bago ito, mula alas-4:00 ng madaling-araw hanggang alas-11:00 ng gabi lamang ang libreng sakay sa ruta na bumabaybay mula Caloocan City hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Samantala, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LFTRB), nasa 100 bus ang inaasahang babiyahe sa EDSA mula Disyembre 1.
Tumatanggap umano ng aplikasyon ang LTFRB para sa pagbibigay ng special permit para masuportahan ang 24/7 na operasyon ng bus carousel.
Ayon sa DOTr, posibleng ito na ang huling yugto ng libreng sakay EDSA Carousel dahil walang pondong inilaan ang gobyerno para sa programa sa susunod na taon.
Kaya naman, nananawagan din ang kagawaran na muling mabigyan ng alokasyon ang programa upang mapalawig pa ito.
Sa totoo lang, bagama’t limitado ang oras, malaking tulong libreng sakay dahil bahagya itong tipid sa pamasahe. Ngunit kung mapapaaga pa ang magdamagang libreng sakay, nangangahulugan ito na mas maraming makikinabang sa programa.
‘Yun nga lang, sa dami ng komyuter ang nangangailangan ng pampublikong transportasyon araw-araw, umaasa tayong sapat ang dami ng mga bus upang matugunan ang dami ng pasahero at maiwasan ang mahahabang pila sa mga bus stop.
Libre man o hindi, huwag nating kalimutan na dapat mabigyan ng ligtas at maayos na biyahe ang ating mga komyuter.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments