Mas malaki pa ang napunta sa Pharmally kaysa pang-ayuda sa milyun-milyong Pilipino
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 06, 2021
NA-SCAM NG PS-DBM AT PHARMALLY SA KABAN NG BAYAN, HINDI LANG P8.7-B, KUNDI HIGIT P13-B--Sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee, nabulgar na hindi lang pala P8.7 bilyong kaban ng bayan na ipinambili ng mga overpriced na facemask, face shield at PPEs (Personal Protective Equipments) ang na-scam ng mga tauhan ni P-Duterte sa PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management) at mga katropa ni Yang Hong Ming, aka Michael Yang sa Pharmally Corp. na pag-aari ng mga wanted sa Taiwan sa kasong fraud, kundi higit P13 bilyon dahil nakakuha rin pala ng kontrata sa DOH (Department of Health) ang kumpanyang ito (Pharmally) worth P4.48-B sa pamamagitan ng PS-DBM na ipinambili naman ng mga expired na testing kits at expired na medical face shields.
Nakakapanikip-dibdib sa mga Pilipino isyung ito kasi nang mag-lockdown noong Aug. 6, 2021 ay higit P10-B lang ang inilaang pang-ayuda, hinati-hati sa milyun-milyong Pinoy sa Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan, tig-P1-K lang kada-tao na panggastos sa loob ng dalawang linggo, tapos ang ibinigay sa Pharmally ay higit P13-B.
'Ika nga, mas malaki pa ang inilaan ng Duterte gov't. sa Pharmally Corp. kaysa pang-ayuda sa milyun-milyong Pinoy, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
PERA NG BAYAN NA INILAAN NG SENADO AT KONGRESO SA PAGTUGON SA COVID-19, IPINAMBILI NG SPORTS CARS NG MGA TAGA-PHARMALLY--Ang isa pa sa mga nabulgar sa Senado ay matapos mapasakamay ng mga taga-Pharmally Corp. ang parte nila sa in-scam nila sa kaban ng bayan ay nagbilihan ang Pharmally executive ng mga sports cars.
Mantakin n'yo, sa panahon na maraming namamatay sa COVID-19, sa dami ng naghihikahos ang pamumuhay sa panahon ng COVID-19 pandemic, ay 'yung pera ng bayan na inilaan ng Senado at Kongreso sa tugon sa pandemya ay nang mapasakamay ng PS-DBM ay ipinambili ng sports cars ng mga taga-Pharmally, buwisit!
◘◘◘
ANG 'PEOPLE'S TELEVISION NETWORK', DAPAT GINAGAMIT SA KAPAKANAN NG MGA PILIPINO, HINDI SA KAPAKANAN NG MGA NANG-SCAM SA PERA NG BAYAN--Sa tuwing magtu-"Talk to the People" si P-Duterte sa meeting ng IATF (Inter-Agency Task Force) Against COVID-19 gamit ang PTV-4 ay ipinagtatanggol ng pangulo ang kanyang mga tauhan sa PS-DBM, Pharmally, pati si Yang Hong Ming, aka Michael Yang na sangkot sa nabulgar na multi-billion peso scam, at siniraan ang mga senador na nag-iimbestiga sa katiwaliang ito.
Sa totoo lang, mali ang ginagawang 'yan ng Pangulo kasi ang PTV 4 ay pag-aari ng taumbayan, Filipino taxpayers ang nagpopondo riyan na dapat ginagamit lang ang "People's Television Network" para sa kapakanan ng mga Pilipino, at hindi para sa kapakanan ng mga nang-scam sa kaban ng bayan, period!
◘◘◘
PANG-UUNGGOY LANG ANG SINABI NI P-DUTERTE NA ORDINARYONG PILIPINO ANG IBOTO KASI TRAPO ANG MGA KANDIDATO NIYA SA TEAM DUTERTE--Pang-uunggoy lang sa mamamayan ang panawagan ni P-Duterte sa publiko na ang iboto sa eleksiyon ay mga kandidatong ordinaryong Pilipino.
Kaya natin nasabing pang-uunggoy lang ito kasi ang mga kandidato ng team Duterte sa eleksiyon ay hindi naman mga ordinaryong Pilipino, kundi mga trapo (traditional politicians), boom!





Comments