Mas maingat na pangangampanya, panatilihin ‘pag nagluwag pa
ni Ryan Sison - @Boses | March 2, 2022
Habang nalalapit ang simula ng kampanya para sa mga lokal na kandidato, nilinaw ni Interior Secretary Eduardo Año na paiiralin ang mga alituntunin na nakasaad sa Alert Level System.
Ayon sa opisyal, ang Resolution 10732 ng Commission on Elections (Comelec) ay nakabase sa naturang sistema.
Bago pa man ipatupad ang Alert Level 1, binigyang-linaw na ng kalihim na sakaling maipatupad ang pinakamaluwag na alert level, 70% ng indoor at outdoor campaign activities ang papayagan.
Gayunman, pinag-uusapan na aniya ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang suhestiyon na dapat ang mga fully-vaccinated lamang ang papayagang makibahagi sa mga aktibidad.
Matatandaang nakatakdang magsimula ang kampanya para sa lokal na posisyon sa Marso 25.
Ngayong nagsimula na ang Alert Level 1 sa Metro Manila at ilan pang lugar, dapat mas plantsado na ang mga panuntunan sa kampanya.
Bagama’t hanggang Marso 15 pa lamang ang pagpapatupad ng Alert Level 1, mabuti nang malinaw ang ating mga balak ipatupad bago magsimula ang kampanya.
Paraan din ito upang madiskartehan ng mga kandidato kung paano maitatawid ang kampanya nang hindi isinusugal ang kanilang kalusugan, gayundin ang kaligtasan ng kanilang mga tagasuporta.
Lalo pa’t tiyak na mas maraming tagasuporta na ang lalabas o dadalo sa campaign activities ng kanilang mga napupusuang kandidato.
Ibig sabihin, dapat mas maging maingat tayo kung sakaling mapagbibigyan ang bahagyang pagluluwag sa restriksiyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments